
Malaki na raw ang pinagbago ni David Licauco simula nang gawin niya ang pelikulang G! LU.
Bago pa mag-pandemic ng mag-shoot si David para sa pelikula, kung saan kasama niya ang kapwa hunk actors na sina Derrick Monasterio, Enzo Pineda, Kiko Estrada, Teejay Marquez, at Ruru Madrid. Ngayong April 24 pa lamang ito nakatakdang ipalabas sa mga sinehan.
“Looking at that movie, siyempre, mami-miss mo na parang, 'Oh, dati ito lang pala ang iniisip ko. Fresh pa ako diyan.' Siyempre, kasi less pa yung stress natin,” sabi ng tinaguriang Pambansang Ginoo.
Nakausap si David ng entertainment press, kasama ang GMANetwork.com, sa press conference ng pelikula sa KAO Manila, Newport World Resorts, Pasay City nitong Miyerkules, April 17.
Ibang-iba na raw si David ngayon kumpara sa dati dahil, aniya, “I have responsibilities now. Alam naman natin na kapag nagma-mature… Dati iniisip ko lang iinom ako, saan ako pupunta, ano ba yung show ko na next, ano ba yung movie kong gagawin, paano ako magiging ganito, pagkain, barkada.”
Sa ngayon daw, mas nakatuon na ang kanyang pansin sa trabaho bilang aktor at sa kanyang mga negosyo.
“Ngayon, iba na, marami nang ibang iniisip. I think yun naman ang malaking difference,” aniya.
Paglalahad pa niya, “Pagkatapos ko ng taping, iisipin ko naman yung negosyo ko, di ba? 'Tapos, the next day magwo-workout pa ako, then, taping ulit, negosyo ulit.
“Ngayon, bago ako pumunta rito, galing ako sa negosyo. Pagkatapos, magwo-workout pa ako kasi kailangan, e. 'Tapos, mag-iisip na naman ako para sa negosyo ko. Wala na akong time gumimik.”
Gayunman, hindi naman daw niya lubusang tinalikuran ang pagpunta sa gimik. Paminsan-minsan daw ang ginagawa pa rin niya ito.
Ani David, “Minsan, if given the chance, siyempre, mami-mmiss mo. Wala namang masama, e, as long as hindi ka na magmamaneho at hindi sobrang lasing ka.”
Bagamat nagbago na ang kanyang priorities, nagagawa pa rin daw ni David na mag-enjoy sa sa kanyang pagbabagong-buhay.
“Of course, nae-enjoy ko siya kasi I think I am more mature now when it comes to my perspective in life and how I am as a person. Also, I am more emotionally intelligent, so mas naa-appreciate ko naman yung ngayon.”
Kaya naman sa huli, nang tanungin si David kung LU [La Union] pa rin ba ang pipiliin niyang lugar para magbakasyon ngayong summer, sagot niya, “Siguro ngayon, Boracay na ako.”
Paliwanag niya, “Dati kasi gusto ko yung magulo, maingay. Bata, e, kaya mas naa-appreciate ko yung mga ganung bagay before. Pero ngayon kasi, sa Boracay, may places doon na medyo tahimik, kasama mo lang ang mga kaibigan mo. Kasi sa LU, wala namang medyo tahimik diyan, di ba? Lahat talaga party-party.”
Makakasama rin ni David sa G! LU sina Pinky Amador, Michelle Dee, Katarina Rodriguez, Chanel Morales, Maureen Montagne, Sophia Senoron, Kimi Mugford, Ali Forbes, Carl Guevara, Ken Anderson, Denver Hernandez at iba pa.
Ang summer movie na ito, na idinirehe ni Philip King, ay ipalalabas sa mga sinehan simula April 24.
Samantala, tingnan ang modern gentleman looks ni David sa gallery na ito: