
Kung may isang tao na nakakita sa malaking pagbabago kay David Licauco bilang isang artista, ito ay kanyang manager na si Arnold Vegafria.
Si Arnold ng ALV Talent Management ang nakadiskubre kay David noong kandidato pa lamang siya sa Mr. Chinatown at isa sa mga modelo ng kilalang clothing brand.
“Nakita ko yung growth niya, as in he cannot act. Alam mo yun, ang daming changes din,” sabi ng talent manager nang makausap siya ng GMANetwork.com at ilang piling entertainment media kamakailan.
Aminado siya na hindi naging madali ang pag-angat ng showbiz career ng binatang aktor, na ngayon ay co-managed na ng Sparkle GMA Artist Center.
Pag-alala niya, “Sabi ko nga sa kanya, 'Dati, hirap na hirap ka makakuha ng role.' As in I have to beg pa to the network to give him a role or kailangan ko pang i-produce ng pelikula kasi I believe on him. Very passionate ako talaga, ipu-push ko talaga if I see something, na meron kang X factor, and I know na I can do something for you, something will happen.”
Bagamat hindi naman halos nawawalan ng acting projects si David, tila napanghinaan na siya ng loob dahil naging mailap sa kanya ang pagkakataong makakuha ng lead role.
Sa katunayan, ayon kay Arnold, muntik nang lisanin ni David ang showbiz para mag-focus na lamang sa kanyang businesses.
“Noong bago mag-Maria Clara at Ibarra, actually, last hurrah na niya ito supposed to be. Magpo-focus na raw siya sa business. Sabi niya, 'Hindi ako makakuha ng lead role.' Parang hindi raw nagmo-move ang career niya, parang stagnant lang.
“Sabi niya, one last hurrah itong Maria Clara at Ibarra. Supposedly, hindi ko nga tatanggapin ito kasi parang minor role for him. Kasi, gusto ko kapag next soap niya, lead na siya. So, nakiusap ang GMA, baka puwedeng maayos. Kinausap ko rin siya, sabi niya, 'Let's give it a chance, baka suwertehin tayo rito.' Sabi ko, kahit support siya rito, I told him, 'Gumawa ka nang gimik. Gumimik ka na lang, aralin mo ang role mo, dapat you should be different.'”
At sa hindi inaasahang pagkakataon, kahit na support role lamang ang ginampanan ni David sa hit historical portal fantasy series, naging mainit ang pagtanggap sa kanya ng mga manonood--lalung-lalo na sa team up nila ng isa sa mga bida nitong si Barbie Forteza.
“Hindi naman niya ine-expect kasi kaibigan lang siya ni Ibarra [Dennis Trillo],” sabi ni Arnold.
“It's just so happened na maganda ang pagka-portray niya, may chemistry silang dalawa [ni Barbie], so nagustuhan ng mga tao.
“I think, it's a luck also. At the same time, yung hard work niya and dedication. Kaya sabi ko, 'Ano, hindi ka na hihinto? Dire-diretso na?' Nagustuhan naman niya.”
Kasunod ng Maria Clara at Ibarra, isang lead role muli ang nakuha ni David sa weekly fantasy anthology na Daig Kayo ng Lola Ko, kung saan kapareha pa rin niya si Barbie. Nakatakda rin silang magsama sa isang pelikula.
Sa huli, sinabi ni Arnold na marami raw matutunan ang aspiring actors sa naging karanasan ni David.
Diin ni Arnold, “Patience is a virtue still. You wait for your right time, you wait for your chance, and don't give up. In any kind of business, you have to be passionate and you have to wait for the right time.
“You have to continue working, improving. Like him, hindi siya nag-stop. Noong pandemic, nagwo-workshop siya on his own. He paid for his acting workshop. Dati parang easy-go-lucky lang siya. Pero ngayon, talagang nagko-concentrate na siya.
“Sabi niya, ganun pala, mas mahirap pala sa negosyo ang maging artista, kasi ang daming gagawin sa buhay, i-improve ang sarili, ang daming babaguhin.”
SAMANTALA, TINGNAN ANG MAGANDANG CHEMISTRY NINA DAVID AT BARBIE SA GALLERY NA ITO: