
Isang mainit at nakatutuwang episode ang nasaksihan noong nakaraang Linggo, April 3, sa The Boobay and Tekla Show (TBATS) kasama ang Kapuso hunk na si David Licauco.
Ginanap sa episode na ito ang classic dating game na mayroong kakaibang paandar, ang “Pusuan Na 'Yan: Summer Edition,” kung saan nagsilbing matchmakers sina Boobay at Tekla kay David at sa tatlong sexy ladies na nagnanais makuha ang puso ng aktor.
Ang mga female contestant ay sina “Miss Tilapia,” “Miss Kabibe,” at “Miss Suso.”
Bago pumili ang aktor ng kanyang pupusuan, sumabak muna ang tatlong ladies sa iba't ibang challenges ng una. Kabilang sa mga test na ito ay ang pagsayaw, improv acting ng ilang eksena, at pisikal na mga laro tulad ng paghanap ng PhP 20 coins sa iba't ibang parte ng suot ni David.
Matapos ipakita ng tatlong contestants ang kanilang performances sa bawat challenge, ang pinili ni David ay si Miss Tilapia, o Trixie Lalaine Fabricante sa tunay na buhay, na isang gamer at influencer.
Ipinakita naman ang tatlong pinakanakakatawang videos sa “Pasikatin Natin 'To.” Sa segment na ito, napanood ang funny home videos na isinumite nina Louie Tibay, Ivie Dela Cruz, at Thesalonika Mabangue.
Para sa mas marami pang tawanan at kasiyahan, tutok lamang sa The Boobay and Tekla Show tuwing Linggo sa GMA pagkatapos ng Kapuso Mo, Jessica Soho.
Samantala, balikan ang hottest “May Pa-Presscon” episodes ng TBATS noong 2021 sa gallery na ito.