
May dalawa pang dahilan ang Pinoy pageant fans at aficionados para manood ng 2025 Miss Universe coronation night dahil ang kaka-announce pa lang na commentary hosts ay may mga espesyal na koneksyon sa bansa.
Hinirang na commentary hosts ng Miss Universe organization si Miss Universe 1993 Dayanara Torres at Miss Universe 2022 R'Bonney Gabriel, isang announcement na ginawa nila sa Instagram. Sa caption ng post, sinabi ng Miss Universe organization an ang dalawa ang magiging boses ng audience at magbabahagi ng “best reactions, stories, and unforgettable moments live from the 74th Miss Universe Competition.”
Matatandaang limang taon namalagi sa bansa si Dayanara Torres, kung saan naging artista siya na bumida sa ilang pelikula at naging host ng ilang local television shows.
Samantala, si R'Bonney Gabriel naman ay isang Filipino-American Miss Universe na ilang buwan nang nakatira dito sa bansa, at nakapunta na sa Ilocos Norte para sa free diving at sandboarding.
Nagdiwang din siya ng Easter sa Bohol kasama ang kanyang mga mahal sa buhay at nag-hike sa Masungi Georeserve.
Related gallery:
Ang announcement ng Miss Universe commentary hosts ay nangyari pagkatapos ng ilang magulong araw para sa Miss Universe organization, na nakipagsagutan sa Miss Universe Thailand.
Nagsimula ang alitan ng dalawang organisasyon ng ideklara ng Miss Universe na ang “Special Dinner & Talk Show” at online voting event na inorganisa ng Miss Universe Thailand ay isang unauthorized activity at itinuturing nila na violation ng kanilang intellectual property rights at brand integrity.
"Miss Universe Organization reserves all legal rights to take appropriate action against any individual, company, or entity found to be using its intellectual property, trademarks, or brand assets without permission, including but not limited to the Miss Universe name, logo, imagery, or official event designations," saad ng Miss Universe organization sa isang statement.
Naglabas din ng sariling statement ang Miss Universe Thailand na nagsasabing ang “Like” voting campaign para sa “Special Dinner & Talk Show” kasama si Nawat Itsaragrisil ay parte ng opisyal na marketing package ng host country na Thailand, at may karapatan itong mag-organisa ng sarili nitong promotional activities sa sarili nitong teritoryo.
Ayon sa Miss Universe Thailand, ang statement na inilabas ng Miss Universe organization ay nagdulot ng “public misunderstanding,” kahit na may karapatan silang mag-organisa ng ganitong events. Sinabi rin ng Miss Universe Thailand na nakikipagusap sila sa kanilang legal team kaugnay ng potensyal na impact ng statement sa mga Thai sponsors, at handa silang maghain ng kaso kung kinakailangan.
Dinistansya rin ng Miss Universe Thailand ang sarili mula sa online casino na sponsor ng Miss Universe 2025. Ayon sa Miss Universe Thailand, ilegal ang online casinos sa kanilang bansa, at ang desisyon na kunin ito bilang sponsor ay desisyon lamang ng Miss Universe organization at hindi ng Miss Universe Thailand.
Natigil ang sagutan sa pagitan ng dalawang organisasyon pagkatapos i-anunsyo ni Miss Universe organization president Raul Rocha na kanyang lilimitahin o tatanggalin nang buo ang partisipasyon ni Nawat sa pageant. Humingi na din ng tawad si Nawat para sa kontrobersyang sinimulan niya.
Ang kandidata ng Pilipinas, si Ahtisa Manalo, ay kasalukuyang nasa Bangkok, Thailand. Kamakailan lamang ay nagkaroon ng masiglang send-off para kay Ahtisa mula sa Filipino fans.
Sa Instagram ng Miss Universe Philippines, pinasalamatan ng organization ang mga tao na pumunta sa NAIA Terminal 1 departure area para i-send off si Ahtisa.
Related gallery:
Mangyayari ang 2025 Miss Universe coronation sa November 21 sa Bangkok, Thailand.