
Sa pagtatapos ng GMA Prime series na Sanggang-Dikit FR kagabi, January 30, aminado ang mga bida nitong sina Dennis Trillo at Jennylyn Mercado na marami silang mami-miss mula sa serye.
Sa isang video na pinost ni Dennis sa kaniyang Instagram, sinabi niyang isa sa mga mami-miss niya ay ang experience nila mismo sa serye.
Sabi naman ni Jennylyn, “Siyempre 'yung samahan ng bawat artista, ng production, sila direk. Mami-miss din namin 'yung mga eksena namin, mga action scenes natin dito, at siyempre hindi natin alam kung kailan tayo ulit magsasama sa isang project.”
Sinang-ayunan naman ito ni Dennis at sinabing bihira lang niya makatrabaho ang asawa sa proyekto kaya't siguradong isa iyon sa mga mami-miss ng Kapuso Drama King.
“Hindi ko alam kailan mauulit 'yun. For sure, 'yun 'yung mami-miss ko talaga. E napaka-memorable nito dahil ang ganda ng buong experience namin habang ginagawa namin itong Sanggang Dikit FR,” sabi ng aktor.
Sa huli ay pinasalamatan ni Jennylyn ang lahat ng sumuporta at nanood ng kanilang serye.
“Gusto namin pasalamatan lahat ng mga tumutok at nagmahal sa Sanggang-Dikit FR simula day one hanggang sa pagtatapos namin. Maraming-maraming salamat sa inyo,” sabi ni Jennylyn.
Dagdag pa ni Dennis, “Siyempre hindi magiging successful itong show na ito kung hindi dahil sa suporta ninyong lahat, sa pagbibigay ng oras para tutukan 'yung programa kaya maraming salamat po, mga Kapuso.”
Sa hiwalay na video, nag-sign off na rin si Juancho Trivino mula sa kaniyang karakter na si Mayor Glen. Kalakip ng kaniyang post ang video ng kanilang last taping day kung saan makikitang nagpapaalaman na ang cast sa isa't isa.
“This video marks our last shoot day with the people who've been with us through it all—on cam and off cam. Ito na talaga ang literal na #SanggangDikitFR,” sulat ni Juancho sa kaniyang post.
Pinasalamatan din ng aktor ang lahat ng sumubaybay at sumuporta sa kanilang serye na dahilan para maging memorable ang proyektong ito para sa kaniya.
“Ending this role with a full heart and nothing but gratitude!” sabi ni Juancho.
Sa huli, nagpaalala ang aktor, “P.S. Wag na wag niyong gagayahin si Mayor Glen… Malaki ang pinagkaiba ko sa kanya, promise.”
BALIKAN ANG STAR-STUDDED GUESTS NG SANGGANG-DIKIT FR SA GALLERY NA ITO: