
Lubos ang pasasalamat ng mga bida ng Metro Manila Film Festival (MMFF) entry na Green Bones na sina Dennis Trillo at Ruru Madrid, pati ang direktor nitong si Zig Dulay, para sa patuloy na pagdami ng humahanga at excited na mapanood ang kanilang pelikula.
Sa naganap na Parade of the Stars nitong Sabado, December 21, kitang-kita ang pagmamahal ng mga taosa Green Bones at iba pang pelikula na parte ng MMFF.
Pahayag ni Ruru pagkatapos ng parada, "Siguradong hindi po kayo magsisisi, ang Green Bones ay punong-puno po ng inspirasyon at pag-asa kaya sana po ay suportahan po natin ito.”
Nagpasalamat din si Dennis sa pagsama at pagbigay ng oras ng fans na nanood ng parada at nag-antay sa Manila Central Post Office kung saan natapos ang parada at nagtipon-tipon ang mga bida ng 10 pelikula.
“Sana po tulungan n'yo kaming ipakalat ang magandang balita na marami pong magagandang entries ngayon pong 50th Anniversary ng Metro Manila Film Festival,” sabi ng aktor.
BALIKAN ANG POSITIVE FEEDBACK NA NATANGGAP NG 'GREEN BONES' MULA SA SPECIAL SCREENING NA GINANAP KAMAKAILAN SA GALLERY NA ITO:
Ayon naman kay Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) chairman Romando Artes, base sa reaksyon ng mga tao sa naturang parada ay masasabi niyang muling magiging masigla ang industriya ng pelikulang Pilipino.
“Siguro ito 'yung grandest MMFF so far. Nakita niyo naman po 'yung preparations, even 'yung paghahanda ng mga producers at ng mga artista. I'll take this opportunity to ask the support. Sinisiguro po namin na magaganda po 'yung pelikulang ino-offer namin,” aniya.
Samantala, pagkatapos ng parada noong Sabado ay nagpunta naman si Dennis sa Cebu nitong Linggo, December 22, para i-promote ang kanilang pelikula. Sa video na in-upload ng Kapuso Drama King, makikitang nagbebenta siya ng tickets sa fans.
Panoorin ang Green Bones simula December 25 sa mga sinehan nationwide.