
Nagsalita na ang Kapuso Drama King na si Dennis Trillo patungkol sa comments umano niya sa kaniyang hacked TikTok account. Dito, idiniin niyang puno siya ng respeto sa ABS-CBN at sinabing hindi siya makakapagbitaw ng ganu'ng mga komento.
Matatandaang nag-viral kamakailan ang comment umano ni Dennis nang sagutin niya ang tanong ng isang netizen sa kaniyang TikTok account tungkol sa posibleng paglipat ng asawang si Jennylyn Mercado sa ABS-CBN.
Sa panayam niya kay Nelson Canlas para sa 24 Oras, sinabi niyang ayaw niyang magpa-apekto sa nangyari dahil hindi naman totoo ang mga naririnig at nababasa niyang komento.
“Sa 20 years, tayo, sabay tayo dito sa industriya na 'to, wala po akong naging kaaway, wala akong pinagsalitaan ng masama, wala po akong anything against ABS-CBN,” sabi niya.
Pagpapatuloy ng Pulang Araw star ay mataas ang respeto niya sa naturang network lalo na at doon siya nagsimula bilang isang aktor. Ipinahayag din ni Dennis kung gaano kaimportante para sa kaniya ang respeto at kung paano niya ito pinapahalagahan.
“Ako po ay hindi sasagot ng mga ganu'ng klaseng comments sa isang simpleng tanong. Kaya kong sagutin 'yan with full respect, pero hindi sa ganu'ng manner,” paliwanag pa niya.
Matatandaang nagbigay na rin ng pahayag ang management team ni Dennis na Aguila Entertainment na unang nagsabi na na-hack umano ang TikTok account ng aktor.
“We would like to inform the public that Dennis Trillo's Tiktok account has been hacked around noontime today, July 1, 2024. There were some comments made using his name and we assure everyone that it was not his doing. It's very unlikely of Dennis to make such remarks and he is a person who has nothing but kindness and respect in his heart.
“We are currently fixing the matter to avoid this incident from happening again,” pagtatapos ng kanilang statement.
Sa ngayon ay nakabalik na ang aktor sa kaniyang TikTok account at muling inaliw ang netizens ng kaniyang lighthearted na video.
Related Gallery: Dennis Trillo is back on TikTok after hacking incident