
Ayon kay Dennis Trillo at Barbie Forteza, kung may pagkakataon man na maging tunay ang plot ng kanilang serye na Maria Clara at Ibarra, may mga plano silang subukan gawin para maibahagi sa kasalukuyan ang nakaraan.
Kwento ni Dennis sa panayam nila sa GMA Regional TV Live, "Magdadala ako ng video cam o kaya ng camera para secretly kukunan ko sila, ma-preserve ko kung ano 'yung mga nangyayari noon at meron tayong mas magandang reference na makikita, mapapanood, mapag-aaralan."
Gumaganap si Dennis bilang ang Filipino-mestizo na si Crisostomo Ibarra na nagbabalik sa Las Filipinas matapos ang pitong taon na pag-aaral sa Europa.
Dagdag niya, "Mas naintindihan ko ang kwento. Visually mas naintindihan ko kung ano ang mga nangyari, tapos nakikilala ko 'yung mga characters, na dati kasi, noong pinag-aaralan natin siya masyadong malalim 'yung mga salita, na hindi natin alam 'yung ibang terms kaya hindi natin siya ma-picture nang maayos kung ano ba talaga."
Si Barbie naman, nais mas makilala bilang isang mahusay na aktres, kaya binibigyan niya ng dedikasyon ang kanyang role bilang si Klay o Maria Clara Infantes, isang Gen Z mula sa kasalukuyan na maibabalik sa sinaunang panahon at makikilala si Crisostomo Ibarra.
"Siyempre gusto ko rin naman talagang ma-recognize hindi lang bilang artista kundi bilang aktres talaga. Hopefully ang respect nandoon and it lasts longer than fame," saad ni Barbie.
Nais din ni Barbie na maipakita sa henerasyon ngayon ang pagiging konserbatibo ng mga tao noon.
"Para na lang sa aming mga babae, sana maibalik 'yung pagiging conservative," dagdag ng aktres.
Patuloy na panoorin sina Barbie at Dennis at ang iba pang cast ng Maria Clara at Ibarra tuwing Lunes hanggang Biyernes 8:00 p.m. sa GMA Telebabad.
KILALANIN ANG MGA KARAKTER SA MARIA CLARA AT IBARRA: