GMA Logo dennis trillo
Source: gmanetwork and dennistrillo (IG)
What's Hot

Dennis Trillo, inspirasyon ang 'Green Bones' sa pagbuo ng bagong proyektong 'Amir'

By Mark Joseph F. Carreon
Published August 12, 2026 4:06 PM PHT

Around GMA

Around GMA

LANDBANK marks 63 years with global honors for innovation, inclusion, and dev't impact
Your Newest Ultimate Campus Cuties Have Just Arrived!
Alex Eala expresses gratitude and appreciation after Canadian Open

Article Inside Page


Showbiz News

dennis trillo


Inspirasyon na maituturing para kay Dennis Trillo ang pelikulang Green Bones sa pagbuo ng kaniyang bagong pelikulang Amir.

Hindi na maitago ng Kapuso Drama King na si Dennis Trillo ang kaniyang pagkasabik sa kaniyang Metro Manila Film Festival 2026 entry na Amir.

Sa isang eksklusibong panayam ng GMANetwork.com, ibinahagi ni Dennis na matagal-tagal na ring nagsimula ang kanilang shooting at patapos na rin ito upang bigyang-daan ang masusing post-production phase ng pelikula.

“Sa Amir, malapit na kasi maaga kami nag-start, malapit na rin matapos 'yung mga shooting. Maaga nag-start kasi maraming special effects na kailangang gawin sa post-prods, sa editing,” pahayag ng aktor.

Ayon pa kay Dennis, magiging sentro ng kuwento ang karanasan ng isang bata na nakabase sa mga totoong kaganapan sa buhay.

“Promising 'yung kuwento niya. This time bata naman 'yung bida. Maganda kasi socially-relevant, nangyari siya sa totoong buhay. Maganda rito, kuwento rin siya ng pamilya at kung paano nag-survive. May kuwento siya ng hope kung paano nila nalagpasan 'yung trahedya,” kuwento niya.

Hindi rin itinanggi ng aktor na bagamat may pressure kasunod ng tagumpay ng kanyang nakaraang proyekto na Green Bones, nagsisilbi itong malaking inspirasyon para sa buong team na pagbutihin pa ang kanilang gawa.

“'Yung nangyari sa Green Bones noon, mahirap na 'yung pantayan o malagpasan; pero nagsilbi 'yung inspirasyon sa amin para alam mo 'yun baka sakali, kapag pinagbutihan natin, tapos mangyari ulit 'yung magic na nangyari sa Green Bones,” aniya.

Binigyang-diin din ni Dennis na mas kampante at tiwala siya sa proyekto dahil parehong grupo ng mahuhusay na mga manunulat at artista ang muling nagkasama-sama.

Dagdag pa rito, mas malaki rin ang kanyang responsibilidad dahil isa siya sa mga co-producer ng nasabing pelikula.

“Alam mo na kapag MMFF, talagang espesyal siya na proyekto,” ani Dennis.

“Ngayon naman, mas kampante kami dahil, same group, magagaling na writers at artista na pinagsama-sama ulit. Very happy na and confident naman kami, although andoon 'yung pressure, pero importante sa amin makagawa ng quality na proyekto lalo na't co-producers kami rito,” pagtatapos ng aktor.

Bukod kay Dennis Trillo, tampok din sa Amir ang child actor na si Argus Aspiras na gaganap sa pangunahing karakter, kasama ang mga kapwa Kapuso stars na sina Will Ashley at Glaiza de Castro.

Ito ay nasa ilalim ng direksyon ng batikang direktor na si Zig Dulay, kasunod ng kaniyang matatagumpay na MMFF entries na Firefly at Green Bones. Ito naman ay isinulat ng mahuhusay na manunulat na sina Ricky Lee at Anj Atienza, batay sa orihinal na kuwento ni Ian Simbulan.

Ang inaabangang pelikulang ito ay pinagtulungang likhain ng GMA Pictures, GMA Public Affairs, at Brightburn Entertainment.

Related Gallery: IN PHOTOS: The most notable television roles of Dennis Trillo