GMA Logo family of Dennis Trillo and Jennylyn Mercado
Source: mercadojenny and dennistrillo (IG)
What's on TV

Dennis Trillo, mas nakapokus sa pamilya ngayon: 'Mas full-time na ama at asawa'

By Mark Joseph F. Carreon
Published August 11, 2026 1:56 PM PHT

Around GMA

Around GMA

LIVE: Senate impeachment court spox Reginald Tongol presscon (August 11, 2026) | GMA News
Tight security at Davao City school following reported threat
Sanya Lopez marks 30th birthday with Old Hollywood photoshoot

Article Inside Page


Showbiz News

family of Dennis Trillo and Jennylyn Mercado


Dennis Trillo sa pagiging isang ama: “Do'n ako nakaka-focus talaga ngayon.”

Sa kaniyang eksklusibong panayam sa programang Fast Talk with Boy Abunda, ibinahagi ng Kapuso Drama King na si Dennis Trillo ang kaniyang karanasan hindi lamang bilang isang aktor kundi bilang isang nakatutok na ama at asawa.

Ayon kay Dennis, mas pinagtutuunan niya ng pansin ang kaniyang pamilya ngayon. Aniya, tila naging part-time na propesyon na lamang ang pag-aartista dahil mas nakatutok siya sa pagiging haligi ng tahanan.

“Tito, noong isang gabi naiisip ko na parang part-time actor na lang ako, e. Mas full-time na ama at asawa. Kasi feeling ko mas do'n ako nakaka-focus talaga ngayon, e. Sa pagiging tatay, sa pagiging asawa, sa pag-provide, sa pagsuporta sa kanilang lahat—bawat isa sa kanila,” pahayag ni Dennis.

Ipinaliwanag din ng aktor na ang pagbabagong ito ay dulot ng pag-iiba ng kaniyang mga prayoridad sa buhay ngayong may sarili na siyang pamilya.

“Siguro po habang nagma-mature ka, nag-iiba 'yung mga priority mo, nag-iiba 'yung mga source ng kaligayahan mo,” dagdag pa niya.

Nang tanungin naman siya ni Tito Boy Abunda tungkol sa mga payong ibinibigay niya sa kaniyang panganay na anak na si Calix ukol sa buhay at pag-ibig, ibinahagi ni Dennis ang kaniyang paalala na huwag magmadali at i-enjoy lamang ang kabataan.

Ibinunyag din niya na may girlfriend na ngayon si Calix na isa ring fencer at naipakilala na sa kanila.

“Paalala ko sa kaniya, 'wag siyang magmamadali, i-enjoy niya lang 'yung buhay niya. Kung magkakaroon man siya ng girlfriend... Ngayon, meron, Tito, e. Pinakilala na rin po, fencer din po siya,” sagot ni Dennis.

Kuwento pa ng aktor, mukhang ito na ang isa sa pinakaseryosong relasyon ng anak dahil ito pa lamang ang pormal na naipakilala sa kanila.

Positibo ring inilarawan ni Dennis ang dalaga: “Pinararamdam dahil kagusto-gusto rin naman po talaga. Mabait din naman, marespeto, and feeling ko nanggaling naman sa maayos na background.”

Nang tanungin naman siya hinggil sa mga sariling pagkakamali noon na ayaw na niyang maulit ng kaniyang anak, naging tapat si Dennis sa kaniyang paalala ukol sa maagang pagbuo ng pamilya.

“Siyempre ayoko nang makabuntis siya nang wala sa oras. Gusto ko prepared at siguradong kaya niyang panindigan lahat ng responsibilidad kapag nangyari 'yun. Pinaghahandaan,” aniya.

“Mag-ingat palagi, dahil siyempre Tito, 'yung mga bata ngayon, mapupusok. Minsan hindi natin alam 'yung mga ginagawa nila, so mga paalala lang talaga 'yung magsisilbing reminder.”

Bukod sa usaping pamilya at pag-ibig, naibahagi rin ni Dennis na interesado rin ang kaniyang anak na pasukin ang mundo ng showbiz.

Nagpapaturo na umano ito sa kaniya at nagpapatulong para sa mga voice lesson at acting workshop, na buong-puso naman niyang sinusuportahan kapag walang pasok sa paaralan ang anak.

“Gusto rin po. Gusto niya, mahilig din siya. Ngayon, tinatanong niya ako kung pwede raw siya mag-workshop at voice lessons. Sabi ko, 'Sige, gawin natin 'yan kapag wala kang school.' Sabi ko, 'Ako mismo ang magwo-workshop sa'yo.',” sagot ni Dennis.

Si Dennis Trillo ay ikinasal kay Jennylyn Mercado noong 2021, at mayroon silang anak na si Dylan.

May panganay rin siyang anak na si Calix mula sa dating kasintahang si Carlene Aguilar. Kasama rin sa kanilang pamilya si Jazz, ang anak ni Jennylyn kay Patrick Garcia.

Pinalalaki nila ang tatlong bata bilang isang maayos na blended family. Sa ngayon, nakatutok si Dennis sa paggabay sa kaniyang mga anak at sa pagiging isang ama.

Related Gallery: Photos that show why Dennis Trillo stands out as the best dad ever