
Aminado si Marian Rivera na nagpatulong siya sa Kapuso actor na si Dennis Trillo para mapalapit muli sa dating talent manager na si Popoy Caritativo.
Si Popoy ay kasalukuyang talent manager ni Dennis.
Ayon kay Marian, nagsimula ito nang makita niya sina Dennis Trillo at Jennylyn Mercado sa isang event na iniendorso nila ng kapwa aktres.
“Iba 'yung sinadya sa nagkataon. Si Dennis [Trillo] kasi ang isa sa mga dahilan.
“Humingi ako ng tulong kay Dennis kasi nagkita kami sa Avon Run.
“Ayun, kinulit ko siya nang kinulit, 'tapos sabi ko kay Jennylyn [Mercado], 'Jennylyn, ha, ipaalala mo kay Dennis.' Sabi niya, 'Oo, Yan, oo,'” kuwento ni Marian sa entertainment media matapos ang contract renewal niya para sa iniendorsong BeauteDerm kahapon, November 7.
Matagal na rin daw ipinagdarasal ni Marian na magkalapit muli sila ni Popoy.
“Binigyan naman ng pagkakataon, nakuha sa pagdadasal ng ilang taon. Naghihintay talaga ng matagal na panahon para mangyari ang mga bagay na…”
Nang tanungin kung nagkaiyakan sila ng dati niyang talent manager, ngumiti si Marian, “Huwag na nating i-extend doon. Basta sobrang happy ako nung nakita ko siya ulit.”
WATCH: Jennylyn Mercado bonds with Marian Rivera in a benefit walk
Sa naunang panayam kay Marian sa parehong event, sinabi niya rin tungkol sa reunion nila ni Popoy, “Siguro tama lang ang sinabi niya na mayroon talagang mga pagkakataon na kailangan mo talagang ipagpaliban ng panahon para mag-heal ang mga sugat.
“Hindi ko na ie-elaborate. Siyempre, hindi naman ako nakipagbati para… alam mo 'yon.
“Basta mahal ko siya mula noon hanggang ngayon. At kung nasaan man ako ngayon, e, utang ng loob ko 'yon sa kanya. Tatanawin ko talagang utang ng loob hanggang sa nabubuhay ako.”
Dagdag pa ni Marian, ipinaalam din niya ang tungkol sa mga naitulong ni Popoy sa kanyang anak na si Zia at sa mga susunod na panahon sa kanyang bunsong si Ziggy,
“Actually, in-explain ko kay Zia, sinabi ko sa kanya, 'Pupunta tayo kay momsie. Alam mo ba kung sino si momsie? Si momsie ay ganito sa buhay ko.
“So, very vocal ako sa mga anak ko. Alam nila ang mga nagawa ni Popoy sa buhay ko at ipinagpapasalamat ko 'yon.”
READ: Marian Rivera on viral photo with Lovi Poe: "Wala kaming away ni Lovi"
IN PHOTOS: Marian Rivera renews contract with beauty brand