
Madami ang nagulat nang maging aktibo si Dennis Trillo sa social media, partikular na sa TikTok. Ang dati kasing inaakalang laging sersyosong aktor ay kuwela rin pala, na kapansin-pansin ngayon sa kanyang viral videos.
“Natatawa rin ako sa mga pinaggagagawa ko, sa totoo lang,” sabi ni Dennis nang makapanayam siya ng GMANetwork.com at iba pang entertainment media matapos pumirma ng bagong endorsement deal sa beauty brand na Hey Pretty kahapon, August 8.
Ayon kay Dennis, naengganyo lang siya ng asawa niyang si Jennylyn Mercado at ng bago niyang talent management, ang Aguila Entertainment, na magbukas na ng kanyang official account sa social media.
Ani Dennis, “Masaya lang na kahit papaano nailalabas ko. Sa una talaga [nahihiya ako]. Kaya ngayon lang ako gumawa ng account, hindi ko talaga personality yung ipakita yun sa mga maraming tao.
Dagdag pa niya, “Minsan ako yung paulit-ulit na nanonood sa ginagawa ko 'tapos, napapailing na lang ako. Okay lang, kung nagpapasaya siya ng iba, ise-share ko na lang.”
@dennistrilloph Akala ko hindi ko na ulit magagamit yung mamahalin kong BOW TIE eh🎀😆 #fyp #foryoupageofficiall #viralvideo #gmagala2023 ♬ LDR - Shoti
Para kay Dennis nagsisilbing inspirasyon niya ang mga komento sa kanyang trending videos para patuloy pang magpasaya sa kanyang fans at followers.
“Kapag nakikita ko yung mga reaksiyon ng mga tao, mga comments nila, mas ginaganahan ako palagi mag-upload. Masarap din yung feeling na marami kang napapatawa. Minsan nababasa ko sa comments, 'Ang lungkot ko kanina, nakita ko 'to.'
“Ayun, nakaka-enjoy lang. Nakakasaya rin ng araw kapag ginagawa ko yun, kapag nakikita kong maraming natutuwa sa ginagawa ko. Nakakatulong din yun sa akin para maging masiyahin.”
Paano naman niya pinag-iisipan ang kanyang gagawing video?
“Wala, kung ano lang yung maisipan ko,” natatawang sagot ni Dennis.
“Minsan tinitingnan ko ang post ng mga bata, kung ano yung uso. Ang mga bata kasi, di ba, karamihan ang mga bata talaga ang nag-aano ng TikTok. Bihira yung mga matatanda, meron, pero mas lamang talaga yung mga Gen Z.”
@dennistrilloph Antok na ko eh, samapalin ko lang sarili ko sandali… #fyp #foryoupage #viral ♬ original sound - Ms.Fernandez🖤 - Ms.Fernandez🖤🌻
TINGNAN ANG MGA NATATANGING PAGGANAP NI DENNIS TRILLO SA TELEBISYON:
Bukod sa kanyang pagpapatawa, nakita rin ang galing ni Dennis sa pagbuo ng konsepto at pag-e-edit ng videos sa kanyang trending TikTok videos.
Kaya naman tinanong ng GMANetwork.com kung posibleng gawin din niya ang pagdidirek ng isang proyekto.
“Pinangarap ko rin 'yon,” sagot ni Dennis.
“Pero sa ngayon, papraktis-praktis lang ako. Yung iba kong frustrations, doon ko na lang inilalabas sa TikTok."