
Umani ng papuri si Dennis Trillo nang depensahan niya ang kanyang stepson na si Alex Jazz mula sa bashers sa social media.
Si Jazz ay anak ng asawa ni Dennis na si Jennylyn Mercado sa dating boyfriend na si Patrick Garcia.
Sa isang video post ni Jennylyn sa isang social media platform, makikita sina Dennis, Jazz, at anak ng aktor na si Calix na naglalakad sa isang mall. Sa comments section, isang netizen ang pumuna ng pagiging parte ni Jazz ng autism spectrum.
Sagot dito ni Kapuso Drama King, “May problema po ba kayo sa may autism?”
Sinagot din niya ang isang pumuna sa pagiging malamya umano ni Jazz.
Sa Fast Talk with Boy Abunda nitong Lunes, October 27, sinabi ni Dennis na natural instinct ng isang magulang ang ipagtanggol ang anak.
“Well, actually, Tito Boy, 'yun ay natural instinct ng magulang. Pero more than that, parang hindi lang naman 'yun para kay Jazz, kundi para sa lahat ng mga kagaya niya na hindi mangyari 'yun sa kanila--na 'wag silang maapi kahit saan mang platform,” sabi ni Dennis.
TINGNAN KUNG BAKIT SI DENNIS ANG TINAGURIANG BEST DAD EVER SA GALLERY NA ITO:
Sa parehong interview ay ipinagmalaki ni Dennis na magandang pagpapalaki sa kaniya ng mga magulang niya, na gusto niyang gawin para sa mga anak na sina Calix, Jazz, at Dylan.
“Gusto ko po dahil, sa tingin ko, 'yung pagpapalaki po sa 'kin [ay] naging effective kaya kahit papaano, matino 'yung kinalabasan ko,” sabi ni Dennis.
Samanatala, nang tanungin siya ni King of Talk Boy Abunda kung ano ang natutunan niya sa kaniyang journey tungkol sa pagmamahal, ang sagot nik Dennis, “Siguro po 'yung pinakaimportante po diyan, 'yung pagbibigay ng oras talaga sa bawat isa.”
Ani Dennis, kahit hindi siya laging nakakapagbigay ng oras para sa kaniyang pamilya, sinisigurado naman niya na quality ang oras na pagsasamahan nila.
“'Yun 'yung importante, 'yung quality ng oras ng pagsasamahan ninyo, 'yung mga ginagawa ninyo, para matuto kayo sa isa't isa, makilala n'yo ang isa't isa,” sabi ng aktor.