
Patuloy ang pagkilala sa mahusay na pagganap ni Kapuso Drama King Dennis Trillo sa pinagbidahan niyang award-winning film na Green Bones, halos isang taon matapos itong maipalabas.
Wagi bilang Movie Actor of the Year si Dennis sa 41st Philippine Movie Press Club (PMPC) Star Awards for Movies para sa nasabing pelikula, na nanalong Best Picture sa Metro Manila Film Festival 2024.
Personal na tinanggap ng aktor ang parangal kagabi, November 30, na ginanap sa Makabagong San Juan Theater sa San Juan City.
Iginawad din ng 41st PMPC Star Awards for Movies ang Male Star of the Night kay Dennis, na dumalo sa event habang suot ang isang Barong Tagalog.
Sa kanyang Instagram post, ibinahagi ni Dennis ang kanyang kasiyahan dahil sa kanyang mga bagong achievement.
Aniya, "Sarap din pala sa pakiramdam…20 plus years na akong nag-e-effort….ngayon lang ako nanalo ng Male Star of the Night! Wow what a night!
Birong dagdag ni Dennis, "Buti na lang at marami ding absent kanina, yes!!! Thank you sa aking stylist @ajalberto & @iancovinarao for my fabulous “Honest Politician” look. Love you guys."
Dugtong niya, "Nanalo din nga pala akong Best Actor for Green Bones #fyp #foryoupage #goodvibesonly"
Samantala, kasalukuyang napapanood si Dennis sa GMA Prime series na Sanggang-Dikit FR kung saan katambal niya ang kanyang asawa na si Jennylyn Mercado.
RELATED: Dennis Trillo's versatile career in film and television