
Maari nang mapanood ang DepEd TV sa isang digital channel ng GMA Affordabox, GMA Now at iba pang digital TV boxes simula Enero 11.
Sa pagsasanib pwersa ng GMA Network at ng Department of Education, nabuo ang DepEd TV channel bilang isang paaran ng paghahatid ng mga klase at leksyon sa mga estudyante ngayong panahon ng COVID-19 pandemic.
Para mas marami pang maabot na mga mag-aaral, lalo na sa mga lugar na hindi posible ang online classes dahil mahina o hindi stable ang internet connection, ipapalabas ng libre sa isang digital channel ng GMA Network ang blended learning programs ng DepEd.
Ang bawat episode ng DepEd TV ay naglalaman ng multimedia classes para sa iba't-ibang antas ng grade school, junior high school, at senior high school.
Tatagal ng 20 minuto ang bawat episode at may limang minutong break bago magsimula ang susunod na episode.
Eere ang DepEd TV mula Lunes hanggang Sabado, 7:00 a.m. to 7:00 p.m.
Maari ring mapanood ang mga klase sa wikang Ingles at Filipino.
Pormal na ilulunsad ang DepEd TV channel sa Enero 11 sa GMA Affordabox at GMA Now, at maari rin itong mapanood sa iba pang digital TV boxes.