
Bagamat tikom ang kanyang bibig tungkol sa diumano'y breakup nila ni Andrea Torres, hindi naman pinalampas ni Derek Ramsay ang mga negatibong komento tungkol sa kanya ng ilang netizens.
Bukod sa paghingi ng kumpirmasyon tungkol sa balitang hiwalayan nilang dalawa, umani rin ng batikos ang aktor sa kanyang pinakahuling Instagram post.
Walang sinagot si Derek tungkol sa una, ngunit kapansin-pansin ang pagsagot niya sa mga 'di kaaya-ayang komento tulad na lamang ng isang reply na nagsasabing, "tapos na po tikiman."
Sagot naman ng aktor, "Bastos."
Isang netizen naman ang nagsabi na marahil tama ang dating komento tungkol sa relasyon nina Derek at Andrea na, "It won't last forever or for long."
Maiksing tugon ng aktor, "You know me so well noh."
Sa netizen din ang nagbigay ng opinyon, "I think he's not into marriage," na sinagot ni Derek ng, "I think you are wrong."
Pinabulaanan din ng aktor ang spekulasyon ng isang netizen na nagsabing "every girl na nila loveteam sa kanya ay nagiging gf nya."
Ani Derek, "Hello mam there is no truth to what you are saying!!! Andrea is the only leading lady I had that became my girlfriend."
Sinubukan ng GMANetwork.com na hingin ang pahayag nina Derek at Andrea tungkol sa balitang paghihiwalay nila ngunit wala pang sagot ang parehong kampo.
Nagkakilala ang dalawang Kapuso actors nang magkatambal sila sa 2019 primetime series na The Better Woman.
Ito ang unang proyekto ni Derek kasunod ng paglipat niya sa GMA Network.
Bago matapos ang naturang teleserye, inamin ng dalawa ang kanilang relasyon.
Timeline of Derek Ramsay-Andrea Torres relationship