
Nakatanggap ng mga papuri ang limang bida ng inaabangang GMA Prime series na Mga Batang Riles na sina Miguel Tanfelix, Kokoy de Santos, Bruce Roeland, Raheel Bhyria, at Antonio Vinzon sa batikang aktres na si Diana Zubiri.
Ginagampanan ni Diana si Maying, ang ina ni Kidlat na ginagampanan naman ni Miguel.
"Magalang 'yung bata, may disiplina siya, at tsaka nakita mo trained kasi nga bata pa lang siya, artista na siya, trained na siya, professional. Okay na okay 'yung tandem namin bilang mag-ina," papuri ni Diana kay Miguel.
"Talagang nagri-reach out din siya sa akin, nagbibigay ng effort pagdating sa pag-arte."
Saksi rin si Diana sa pagpupursigi ng apat pang Mga Batang Riles na sina Kulot, Sig, Matos, at Dags na ginagampanan nina Kokoy, Raheel, Bruce, at Antonio.
"Nakikita ko sila mag-rehearse, mag-training, proud ako kasi nakikita ko kung gaano sila kasipag, kung paano nila pinaghahandaan 'yung mga eksena kaya I'm sure magiging proud rin sa kanila 'yung mga manonood," puri ni Diana.
Mapapanood na sa Enero 2025 ang Mga Batang Riles kaya naman hindi na makapaghintay si Diana dahil ito ang magmamarkang pagbabalik niya sa telebisyon matapos ang ilang taon.
"Excited na excited ako kasi kami ang unang show na papasok ngayong bagong taon, kami ang, kumbaga, kami ang opening ng taon na 'to kayang masayang masaya ako dahil ito 'yung pagbabalik ko after limang taon," saad ni Diana.
Panoorin ang buong report ni Lhar Santiago sa 24 Oras DITO:
Mapapanood rin sa Mga Batang Riles sina Ronnie Ricketts, Roderick Paulate, Jay Manalo, Jeric Raval, Desiree Del Valle, Ms. Eva Darren, at marami pang iba.
Abangan ang Mga Batang Riles, aarangkada na sa GMA Prime ngayong Enero 2025.