
Isa ang batikang aktres na si Diana Zubiri sa naging saksi kung paano nag-grow ang dating child star na si Miguel Tanfelix sa showbiz industry.
Taong 2006, nagkasama sina Diana at Miguel sa Linlang, isa sa mga installment ng Now and Forever, bilang ang magkapatid na sina Divina at Pepe.
Sa 2025, muling magsasama sina Diana at Miguel bilang ang mag-inang Maying at Kidlat sa drama-action series na Mga Batang Riles.
"Sobrang different," mabilis na sagot ni Diana nang tanungin ng GMANetwork.com kung ano ang pinagkaiba ni Miguel noon at ngayon.
"Baby pa siya noon, e, he was only eight years old. Tapos ngayon, kung titingnan mo, binatang-binata na.
"He looks more responsible. Sa interactions ko sa kanya, 'yun 'yung napapansin ko, binata na talaga."
Bukod kay Miguel, magiging parte rin ng Mga Batang Riles sina Kokoy de Santos, Bruce Roeland, Raheel Bhyria, at Antonio Vinzon.
Kasama rin nila sina Ronnie Ricketts, Roderick Paulate, Jay Manalo, Jeric Raval, Desiree Del Valle, at Ms. Eva Darren.
Abangan ang Mga Batang Riles, aarangkada na sa GMA Prime sa Enero 2025.