
Muling magsasama ang mag-asawang sina Dingdong Dantes at Marian Rivera sa kanilang bagong pelikulang Remember.
Ang Remember ay sa ilalim ng direksyon ni Mae Cruz Alviar at ipalalabas ngayong 2026.
Sa collaborative post na ibinahagi sa Instagram ng Star Cinema, AgostoDos Pictures, APT Entertainment, Direk Mae Cruz Alviar, at ng celebrity couple, ipinasilip ang kanilang paghahanda para sa bagong proyekto.
Ayon pa sa post, "Quebec, we're about to make memories. Beloved superstars and royal box office couple Dingdong Dantes and Marian Rivera are ready for their departure to film their upcoming movie, 'Remember' directed by Mae Cruz Alviar. Coming soon exclusively in cinemas worldwide this 2026!"
Sa video, ibinahagi ni Dingdong ang kanyang excitement para sa kanilang panibagong proyekto.
Aniya, "Ito na naman kami, sasabak na naman kami sa bagong adventure. Sa isang bagong proyekto, sa isang bagong kuwento."
Napag-usapan din ng mag-asawa na tatlong taon na ang lumipas mula nang huli silang magsama sa isang pelikula. Ang kanilang huling proyekto ay ang blockbuster film na Rewind, na ipinalabas noong 2023.
Ayon kay Dingdong, sulit ang naging paghihintay para sa kanilang pagbabalik sa pelikula.
"Sobrang sulit naman ng paghihintay dahil napakaganda ng kuwento," saad niya.
Samantala, ibinahagi naman ni Marian na hindi lamang sa Pilipinas mapapanood ang kanilang bagong pelikula.
"Hindi lang siya mapapanood sa Pilipinas dahil sa buong mundo, mapapanood ito," ani Marian.
Abangan sina Dingdong at Marian sa Remember na mapapanood sa mga sinehan ngayong 2026.