
Kabilang ang celebrity couple na sina Dingdong Dantes at Marian Rivera sa maraming Kapuso stars na nakiisa sa election advocacy ng GMA Network na "Dapat Totoo."
Layunin ng comprehensive election advocacy na ito na magkaroon ng mapayapa, malinis, at tapat na halalan sa May 2022.
Sa isang report sa 24 Oras, inilahad nina Dingdong at Marian ang kahalagahan ng kanilang naging partisipasyon sa adbokasiya na ito.
"Dapat talaga isipin nating mabuti kung sino ang karapat-dapat nating iboto at magandang pagkakataon din ito na ibinigay sa amin ng GMA para mabigyang linaw din at matulungan sa pag-isip ng tama [ang publiko], ani Marian.
Dagdag pa ng aktres, "Sabi nga nila sa isip, sa salita, at sa gawa dapat totoo."
Ayon naman kay Dingdong, bilang mga magulang ay importante para sa kanila ng asawa niyang si Marian ang ganitong klase ng adbokasiya.
Aniya, "Para sa amin, very personal din ito dahil mahalaga ang paparating na eleksyon natin dahil ang talagang mag-be-benefit nito talaga ay ang susunod na generations [kabilang] na 'yung mga anak namin [kaya] gusto namin na suportahan ang advocacy na ito."
Samantala, patuloy naman na mapapanood sina Marian at Dingdong sa kani-kanilang mga programa sa GMA.
Sa katunayan, excited na raw si Marian sa mga bagong pasabog sa paparating na episodes ng Tadhana habang si Dingdong naman ay patuloy na nag-e-enjoy bilang game master ng Family Feud.
Panoorin ang Family Feud, araw-araw 5:45 p.m at ang Tadhana, tuwing Sabado 3:15 p.m. sa GMA.
Silipin naman sa gallery na ito ang sweet photos ng Kapuso Primetime Kinga nd Queen na sina Marian at Dingdong.