
Dahil sa kalunos-lunos na sinapit ng marami nating kababayan bunsod ng pananalanta ng Bagyong Ulysses, nagkaisa ang mga bumubuo ng AKTOR na mangalap ng donasyon para sa mga biktima.
Ang AKTOR ay samahan ng mga Pilipinong aktor, sa pangunguna ng tapagtaguyod nitong si Dingdong Dantes.
Source: dongdantes (IG)
Sa pamamagitan ng social media, nanawagan ang grupo ng tulong--pinansyal, pagkain o gamit-- mula sa publiko.
“Kapit-bisig nating tulungan ang mga nasalanta ng Bagyong Ulysses.
"Humihingi ang AktorPH ng tulong na abot sa kakayanan n'yo--malaking tulong ang anumang halaga o ang mga sumusunod: Damit, kumot, tuwalya, vitamin C, tubig, bigas, de lata,” nakasaad sa panawagan ni Dingdong.
Hinikayat din ng aktor ang lahat na magkaisa, “Sama-sama nating harapin ang sakunang ito at iahon ang isa't isa.”
Maaaring dalhin sa TAuMBAYAN, 40 T Gener cor K1st, Barangay Sacred Heart, Kamuning, Quezon City ang mga donasyon.
Katuwang ng AKTOR ang Catholic Bishops' Conference of the Philippines (CBCP), Andrew's Fund PH, at YesPinoy Foundation sa naturang relief operation.
Samantala, sa mga nais magpaabot ng tulong sa GMA Kapuso Foundation, bumisita lang sa kanilang website para malaman ang iba't ibang paraan ng pagbibigay ng donasyon.