
Nagpaabot ng mensahe si Kapuso Primetime King Dingdong Dantes sa batikang talk show host na si Boy Abunda tungkol sa pagsasama nila ng kanyang asawang si Marian Rivera sa pelikulang pinamagatang Rewind.
Sa “Today's Talk” ng Fast Talk with Boy Abunda, ibinahagi ni Boy ang pahayag ng aktor kung saan sinabi niyang excited na siyang muling makasama ang kanyang misis sa isang pelikula matapos ang mahigit isang dekada.
“Hi, Tito Boy. Marian and I are very excited about this project! Sobrang na-miss kong makasama ang aking misis sa big screen kasi ang huling beses ay higit isang dekada na nakaraan.
“Iba po kasi talaga ang proseso ng paggawa ng pelikula, kaya naman kinikilig at kinikilabutan ako sa maaaring outcome nitong obra ni Enrico Santos at Joel Mercado sa direksyon ni Mae Cruz,” pagbasa ni Boy.
Labis ang pasasalamat din nina Dingdong at Marian sa suporta ng GMA Network pati sa tiwala na binigay ng kanilang co-producers na Star Cinema at APT Entertainment.
Ayon pa kay Dingdong, nakatakdang mapanood ang Rewind ngayong taon sa mga sinehan. Patuloy niya, “Dasal po namin na sana'y manumbalik ang ating manonood sa big screen, despite the emergence of streaming platforms around.”
Sa episode kahapon ng Fast Talk with Boy Abunda, kinumpirma ni Boy ang muling pagsasama ng DongYan sa isang movie project.
Aniya, “Napakagandang balita, after 13 years, magsasama muli ang GMA's Royal Couple and I'm talking about Dingdong Dantes and Marian Rivera. At ang pelikulang ito nina Marian at Dingdong, is a collaboration, a co-production among APT Studios, Star Cinema, and AgostoDos Pictures.”
Kasalukuyang mapapanood si Dingdong sa murder-mystery drama series na Royal Blood, Lunes hanggang Biyernes, 8:50 p.m., sa GMA Telebabad.
Samantala, magbabalik primetime na si Marian dahil bibida siya sa isang bagong serye kasama sina Gabby Concepcion, Max Collins, at marami pang Kapuso stars.
Patuloy naman na tumutok sa Fast Talk with Boy Abunda pagkatapos ng The Seed of Love sa GMA Afternoon Prime via television broadcast sa GMA at sa iba pang digital platforms.
SAMANTALA, TIGNAN ANG SWEETEST PHOTOS NINA DINGDONG DANTES AT MARIAN RIVERA SA GALLERY NA ITO: