
Masayang ibinahagi ni Dingdong Dantes na isa siya sa mga nakakuha ng slot para sa COVID-19 vaccination activity ngayong Araw ng Kalayaan, June 12.
Ayon sa tekstong nilagdaan ni vaccine czar at National Task Force Against COVID-19 secretary Carlito Galvez, Jr., kabilang sa mga essential worker sa A4 priority group ang media, actors/performers, at TV/film/theater production staff and crew sa mga maaari nang mabakunahan.
Ito ay bilang parte ng 'Ingat Angat Bakuna Lahat' campaign initiative ng Task Force T3 para sa private sector na pinangungunahan ni Margot Torres.
Ayon sa Facebook post ni Dingdong noong June 11, aminadong kabado siya sa kanyang pagtanggap ng unang shot ng COVID-19 vaccine. Kaya para mabawasan ang kaba, nag-research at kumonsulta siya sa mga eksperto para malaman ang benepisyo nito.
Sambit ng Kapuso star at AKTOR leader, "Medyo kabado nga ako pero sa pagri-reseach ko, pagkonsulta sa mga doktor saka sa mga eksperto, e, mas naintindihan ko na vaccines are safe and vaccines work."
Hinikayat din ni Dingdong ang publiko na magpabakuna kontra COVID-19 para sa proteksyon ng lahat.
Dugtong ni Dingdong, "Sabi nga sa nakita kong banner dito sa amin, you are responsible for the safety of your loved ones and your community so kapag nabakunahan ka na, hindi lang sarili mo ang pwede mong proktektahan, kundi pati ang iyong pamilya at iyong komunidad."
Ngayong Sabado, tinatayang 1,300 vaccines ang inilaan hindi lang para sa entertainment workers, kundi pati na rin sa delivery riders.
Matatandan na may bagong lunsad na delivery app business si Dingdong, ang Dingdong PH, kaya naman labis ang pasasalamat ng aktor.
Ibinahagi pa ng aktor sa Instagram ang ilang larawan ng pagpapabakuna ng riders niya kontra COVID-19, kalakip ang #IngatAngatBakunaSikat.
Bukod kay Dingdong, kabilang din ang mga talent at staff and crew ng GMA Artist Center, GMA News, GMA program na Amazing Earth, at liga ng mga aktor na AKTOR na pinangungunahan ng Kapuso Primetime King sa mga makakatanggap ng first dose ng COVID-19 vaccine ngayong araw.
Tingnan ang iba pang celebrities na proud na nakakuha na ng COVID-19 vaccine dito: