
Magbabahagi ang multi-awarded actor at host na si Dingdong Dantes ng kaniyang makabuluhang paglalakbay sa dokumentaryong Broken Roads, Broken Promises: Isang Paglalakbay Kasama si Dingdong Dantes.
Tampok sa dokumentaryong ito ang pinagdadaanan ng mga mamamayan sa state of public infrastructure sa bansa at kung paano naaapektuhan ang bawat isa kapag may nangyayaring korupsyon.
Ipalalabas ang kuwento ng mga kapwa Pinoy na dumaranas ng baha dahil sa unfinished o ghost projects, mga residenteng naghihirap para sa araw-araw na pamumuhay, mga estudyanteng araw-araw na pumapasok sa makeshift classrooms. Tampok din ang overpriced farm-to-market road, mga tulay na hindi natapos sa mga probinsya, at iba pa.
PHOTO SOURCE: @dongdantes
Sa posts ni Dingdong, nagbigay siya ng pasilip sa mga aabangan sa Broken Roads, Broken Promises: Isang Paglalakbay Kasama si Dingdong Dantes. Isa rito ay ang senior citizen na nagbahagi ng kuwento ng kanilang pamumuhay sa lugar na ilang taon nang nakalubog sa baha.
"Nakilala ko si Nanay Evelyn. 75 taong gulang, isa sa pinakamatagal na residente ng Sitio Nabong, Maysulao…isang lugar na ilang taon nang nakalubog sa baha. Literal na kalahati ng kanyang bahay ay lubog— at ganito na ang kanyang buhay.
"Mag-isa siyang nakatira dito. Araw-araw, binabaybay niya ang tubig sakay ng kanyang maliit na bangka papunta sa bayan para makabili ng pagkain, tubig, at iba pang pang-araw-araw na pangangailangan.
"Para sa kanya, ang baha ay bahagi na lang ng araw-araw. Wala nang reklamo. Sa mga salita niya, “Kapit lang sa taas.”
Pero kung siya ang tatanungin, siyempre, gusto rin niyang makalipat — makapamuhay sa lugar na tuyo at ligtas.
"Siya ang magbibigay-mukha sa klase ng imprastruktura— at sa sistemang matagal nang dapat sana ay inaayos para sa mga tulad niya."
Sinundan pa ito ng kuwento niya tungkol sa mga estudyanteng nahaharap sa pagsubok sa pag-aaral dahil sa estado ng kanilang paaralan.
"Nakilala ko sina Marian at Jemcil — dalawang estudyanteng may malinaw na pangarap. Pero sa Galutan National High School, may isang gusaling dapat sana'y magbubukas ng mas maraming oportunidad… ngunit hanggang ngayon, hindi pa rin natatapos…ilang taon na.
"Dahil dito, limitado ang strand na puwede nilang kunin. May mga estudyanteng napilitang lumipat. May mga pangarap na natengga.
"Dahil ang mga silid-aralan ang imprastrukturang hindi dapat nawawala, pinapabayaan, o kinakaltasan— sapagkat dito nakasalalay ang mga pangarap nila.
"Ito ang mukha ng mga batang umaasa sa mas maayos na imprastruktura para sa kanilang kinabukasan."
Abangan ang mga kuwentong tatalakayin ni Dingdong sa dokumentaryong Broken Roads, Broken Promises: Isang Paglalakbay Kasama si Dingdong Dantes ngayong November 15, 9:30 p.m. sa GMA.