
Ipinasilip ni Dingdong Dantes ang 'new normal' setup ng TV advertisement shooting para sa ineendorsong pain reliever brand.
Ibinahagi ng Kapuso Primetime King ang behind-the-scenes footage ng TV commercial sa kanyang Instagram account noong Linggo, July 26.
Makikita sa post na sumusunod sa health and safety protocol ang production crew gaya ng pagsusuot ng face mask. Mapapansin din na nilimitahan ang manpower para maobserbahan ang social distancing.
"Ensured the safety of everyone who worked on this project and wishing all of them good health," sambit ni Dingdong sa caption.
Kamakailan lang ay nagbalik-taping na rin ang Kapuso actor para sa kanyang high-rating infotainment show na Amazing Earth.
Nagsimula muling maghatid ng brand new episodes ang nasabing GMA show noong Linggo, July 26.
Samantala, sa Setyembre ay magbabalik-taping ang Pinoy Descendants of the Sun, kung saan lead actor si Dingdong.
Ginagampanan niya ang role ni Captain Lucas Manalo, o "Big Boss," na love interest ni Dr. Maxine, binibigyang-buhay ni Jennylyn Mercado.