
Maliban sa pagiging Kapuso Primetime King, aktibo rin si Dingdong Dantes sa iba't ibang proyekto at organisasyon sa industriya ng entertainment.
Isa na rito ang kanyang pagiging chairman ng League of Filipino Actors (Aktor PH)—isang samahan na may layuning suportahan ang bawat miyembro sa aspeto ng kanilang karera, pangarap, at kapakanan sa loob ng showbiz at sining.
Sa mga proyekto at event na pinangunahan ni Dingdong, masasabing malinaw ang kanyang dedikasyon na maglingkod hindi lamang sa kapwa artista kundi pati sa ikabubuti ng bansa.
Kaya naman ang tanong ng iba, may balak kaya si Dingdong na pumasok sa politika?
Sa kanyang panayam kasama sina Janno Gibbs at Bing Loyzaga, nilinaw ng Kapuso artist ang kanyang mga plano at layunin gamit ang kanyang leadership experience.
"Sa akin, malinaw na ginagawa ko ito for the love of the community (entertainment at actors' community). Lahat ito ay sa aking desire to serve. Pero may iba-iba namang paraan to show that service e," aniya.
Dagdag pa niya, "I think being in that arena (in politics and public office, to be specific) is something that I don't want. Kasi parang okay ako (dito sa ginagawa ko). I have more freedom in doing these things as a private citizen and as a member of the community. At sa tingin ko, dito ako inilagay."
Sobrang proud din ang Kapuso Primetime Queen na si Marian Rivera sa mga nagawa ng kanyang asawa sa industriya.
“Lahat na ginawa niya, parang sabi ko, 'Sige, hanggang kaya, support kita diyan.' Sabi nga ni Dong, 'Tayo-tayo lang magtutulungan dito, walang iba.' Nakaka-proud na ginawa niya talaga 'yung Aktor,” pahayag ni Marian.
Ayon naman kay Dingdong, hindi lamang siya ang nasa likod ng tagumpay ng Aktor PH. Masaya niyang kinilala ang pagsisikap ng iba pang founding members na tumulong upang mapalago ang organisasyon at ang industriyang kanilang minamahal.
Kabilang sa mga miyembro ng organisasyon sina Agot Isidro, Iza Calzado, Piolo Pascual, Mylene Dizon, Jasmine Curtis-Smith, at marami pang iba.
Opisyal na inilunsad ng Aktor PH ang kanilang website noong May 2025, na magsisilbing online calling card at database ng grupo at ng mga miyembro nitong Filipino artists.
Samantala, patuloy mapapanood si Dingdong sa game show na Family Feud at wildlife adventure program na Amazing Earth.
Tingnan ang stellar career ng Kapuso Primetime King na si Dingdong Dantes sa gallery na ito: