
Tinamaan ng instant nostalgia ang lahat ng fans na dumalo sa grand reunion concert ng SexBomb dancer sa Araneta Coliseum recently.
Napahataw ang lahat nang sinayaw at kinanta nina Rochelle Pangilinan, Jopay Paguia, Weng Ibarra, Mia Pangyarihan, Sunshine Garcia, Aifha Medina, Monic Icban, Cheche Tolentino, Aira Bermudez, Yvette Lopez, at iba pang SexBomb girls ang ilan sa smash hits nila tulad ng 'Bakit Papa' at 'Spaghetti.'
Star-studded din ang lineup ng guests na bumida sa concert tulad na lang nina Kapuso Primetime King Dingdong Dantes at Pepito Manaloto star Arthur Solinap na mister din ni Rochelle.
Naghatid din ng good vibes ang Bubble Gang parody men's group na Sexballs na binubuo nina Michael V., Antonio Aquitania, Wendell Ramos, at Ogie Alcasid na naki-showdown sa iconic girl group.
Sa panayam kay Rochelle ng 24 Oras, nakakakilabot daw na makita ang buong Araneta na nakiki-jam sa kanilang mga pinasikat na kanta.
“Hindi ko na naman ine-expect na sasabay sila sa kanta namin. At talagang makikisayaw ang buong Araneta. Ang lala ng pinalaki ng Sexbomb,” sabi ng actress-singer kay Aubrey Carampel.
Masaya naman si Sexbomb Aira na na-witness niya ang ganitong moment at nakasama uli ang mga kasamahan sa girl group.
“Pinaghahandaan lang namin ito, lalo na si Rochelle, na-witness ko siya. I'm just grateful, sobrang blessed ako na sa core group din 'yung producers, sila 'yun, na pinauwi nila ako para maging part nitong grand reunion ng SexBomb.”
Sabat agad ni Rochelle, “Siyempre importante ka sa Sexbomb”
RELATED CONTENT: SexBomb Girls light up Araneta with nostalgic 'Get, Get Aw!' reunion concert