
Nagbahagi ng donasyon para sa Operation Bayanihan ng GMA Kapuso Foundation ang Kapuso Primetime King na si Dingdong Dantes.
Si Dingdong ay nag-donate ng mga sabon na ipapadala sa mga evacuation areas. Ipinaliwanag din niya ang halaga ng bawat tulong para sa mga kababayang apektado ng masamang panahon at pagbaha sa iba't ibang lugar.
Kuwento ng Family Feud at Amazing Earth host, "Sa mga panahon na kagaya ngayon na may sakuna, bawat tulong kasi napakahalaga. Napakalayo ng nararating ng bawat contribution ng lahat ng kababayan natin through bayanihan. Kaya nga ngayon, we are donating thousands of soaps para sa ating mga evacuation areas. Sana makatulong kahit papaano sa kanilang kalagayan."
PHOTO SOURCE: Family Feud
Si Dingdong ay nagbahagi rin ng mga paalala para manatiling ligtas ang ating mga kababayan. Aniya, "Itong mga nangyayari ay hindi natin kagustuhan. Kaya sana mag-iingat po sila kung nasaan man sila nandoon. Kung nasa evacuation areas o sa mga wala pa sa evacuation areas, sana hindi na po kayo makarating doon, pero always keep caution."
Dugtong pa niya, "Alamin 'yung mga warning signals kung kailan ba dapat lumikas, kailan dapat hindi. Kailangan protektahan natin ang ating mga tahanan lalong-lalo na yung mga mahal natin sa buhay. Siyempre sana matapos na ang lahat ng ito para makabalik na po kayo sa mas madaling panahon sa inyong mga buhay."
Bukod sa kaniyang pagbabahagi ng donasyon sa GMA Kapuso Foundation ay nagbigay rin si Dingdong ng mga paalala bilang ambassador ng National Disaster Resilience Month 2025. Makikita ang mga ito sa social media platforms ni Dingdong.