
Ibinahagi ni Dingdong Dantes ang isang proyektong makakatulong sa komunidad lalo na sa panahon ng kalamidad.
Sa kanyang social media post, binalikan ni Dingdong Dantes ang kanyang journey bilang volunteer na nagsimula noong 2009 sa pamamagitan ng YesPinoy Foundation.
“Isa sa pinakamahalagang natutunan ko nang magsimula akong maging volunteer noong 2009 sa pamamagitan ng YesPinoy Foundation ay kung gaano kalaki ang kayang gawin ng mga ordinaryong mamamayan kapag sama-sama silang kumikilos.”
PHOTO SOURCE: Dingdong Dantes (Facebook)
Aminado rin siyang may mga hamon sa volunteer work, partikular sa pag-oorganisa ng mga taong nais tumulong.
Saad niya, “Nakasalalay ito sa oras, lakas, resources, at availability ng bawat isa. Kahit maraming gustong tumulong, hindi palaging madaling malaman kung saan sila kailangan, ano ang kailangan, at paano sila makakatulong nang maayos at organized.”
Dahil dito, matagal na raw niyang iniisip kung paano magiging mas organisado at sustainable ang bayanihan ng mga Pilipino, lalo na sa harap ng mga sakuna. Saad ni Dingdong, sa pakikipagkuwentuhan niya kina Atom Araullo at Voltaire Tupaz tungkol sa kanilang mga pangarap para sa mas ligtas at handang mga komunidad, nakita niya ang potensiyal ng LyfSaver.
“Gamitin ang technology para gawing mas systematic at sustainable ang participation ng mga mamamayan sa paghahanda at pagtugon sa sakuna.”
Ayon pa sa post ni Dingdong, sa pamamagitan ng collaboration ng FYT Media at YesPinoy, isinulong ang LyfSaver bilang isang platform at app na layong pagdugtungin ang impormasyon, government response, at community action.
Pormal itong inilunsad sa Quezon City ngayong Agosto sa ilalim ng pamumuno ni Mayor Joy Belmonte.
Para kay Dingdong, may kanya-kanyang mahalagang ambag ang gobyerno, teknolohiya, civil society, communities at volunteers. Ang kailangan lamang ay isang sistemang mag-uugnay sa kanila upang mas mabilis at epektibong makatugon sa pangangailangan.
“Government has the authority, resources, and response mechanisms. Technology gives us scale and speed. Civil society brings networks and trust. Communities have hyperlocal knowledge, sila ang nakakaalam kung ano talaga ang nangyayari sa ground. And volunteers bring the manpower and, more importantly, the willingness and compassion to help.
Ang trabaho ng LyfSaver ay pagdugtungin silang lahat."
Kahit teknolohiya ang pangunahing bahagi ng bagong proyekto, naniniwala si Dingdong na hindi nagbabago ang puso ng bayanihan.
“Nandoon pa rin ang malasakit at willingness nating tumulong sa isa't isa, pero ngayon, may technology na tayong puwedeng gamitin para mas maging handa, connected, at effective bilang isang community.”
Sa huli, malinaw para kay Dingdong na mas mapapadali ito sa mga taong nangangailangan at sa mga taong handang tumulong.
Saad ng host at aktor, “May nangangailangan, may handang tumulong, at kailangan lang nating paglapitin ang dalawa.”
READ: Celebrities and their advocacies you can support for the love of Mother Nature