
Handa na si Kapuso Primetime King Dingdong Dantes na talakayin ang napapanahong usapin tungkol sa ghost projects at hindi natapos na mga infrastracture projects sa Broken Roads, Broken Promises.
Isa itong dokumentaryong handog ng GMA Public Affairs na mapapanood sa November 15.
Bilang parte ng paghahanda sa dokyumentaryong ito ay nagtungo si Dingdong sa isang bayan sa Northern Samar kung saan nakipag-usap sa isang case study.
“Ang purpose ng pagpunta namin [sa isang bayan sa Northern Samar] ay para kausapin ang isang case study for this documentary na ginagawa natin under GMA Public Affairs,” paliwanag ng aktor.
Sa isang 24 Oras report, ibinahagi rin ni Dingdong ang kabuuang paksa ng nasabing dokumentaryo.
“'Yung title pa lang, sumasagisag na 'yan sa mga pangako na hindi talaga natupad and how important infrastructure is in the development of us, Filipinos, na, sadly, sa nakita nating estado ay talagang nasira at hindi na ipatupad dahil sa korapsyon,” ani Dingdong. “Hanggang sa pag-deliver ng mga services ng ating mga health workers na dahil 'yung mga kalsada ay hindi konektado sa isa't-isa and nadi-delay ang pag-deliver ng mga services na ito sa mga nangangailangan.”
Sa kaniya ring pagtatrabaho sa dokumentaryo, mas nagkaroon umano ng mas malalim na pagkakaunawa ang aktor sa napapanahong problema ng bansa.
“Iba kapag nabibigyan ng mukha 'yung problema, nararamdaman mo talaga 'yung kanilang paghihirap, 'yung kanilang frustration, at 'yung kanilang mga pangarap,” kuwento ni Dingdong.
Hangad din ito ng aktor para sa mga manonood, “Sana through the documentary ay mas maging mulat tayo bilang mga Pilipino tungkol sa nangyayari talaga sa ating mga kababayan. And hopefully dahil alam na natin talaga kung gaano kaseryoso ang problema ay mas mabuksan din ang isip ng mga taong kailangang tumugon dito. Definitely more so dun sa mga talagang accountable dito.”
Isa si Dingdong sa mga nakiisa sa nakaraang Anti-Corruption protest noong Setyembre.
RELATED GALLERY: CELEBRITIES AND PERSONALITIES ATTEND SEPT. 21 PROTEST