
Patindi nang patindi ang mga tagpo sa GMA Prime series na The Master Cutter na pinagbibidahan ng multi-awarded actor na si Dingdong Dantes.
Sa “Chika Minute” report ni Nelson Canlas para sa 24 Oras, labis ang pasasalamat ni Dingdong, na bumibida bilang Atoy, dahil ramdam niya ang pagmamahal ng mga manonood sa serye.
“Every day kaming magpapasalamat sa lahat talaga ng tumatangkilik. Kagaya ng promise namin, magmula umpisa ay patindi nang patindi 'yung mga revelation. Kaya mas nagiging exciting talaga 'yung kwento,” pagbabahagi niya.
Ayon pa sa report, sa lahat ng mga disguise ng aktor sa serye, isa sa pinakamalapit sa kaniyang puso ay ang pagiging father figure kay Ibyang, na ginagampanan ng Sparkle child actress na si Sienna Stevens.
Aniya, “Dito iikot talaga sa kuwento ng pagiging anak-anakan niya kay Ibyang kasi siyempre inaapi si Ibyang ng mga ibang bata. So, tatayo siya bilang father figure ni Ibyang."
Bukod sa The Master Cutter, busy rin si Dingdong sa pagiging host ng game show na Family Feud. Ngunit nitong paparating na buwan ay gagawa sila ng oras ng kaniyang asawang si Marian Rivera para makapagbakasyon kasama ang kanilang mga anak.
“Baka pagkatapos ng 'The Master Cutter' siguro. Hanap kami ng tiyempo. Hindi puwedeng wala, kailangan talaga 'yon,” ani Dingdong.
Dagdag ni Marian, “Hinahatak na niya na magkaroon.”
Panoorin ang buong “Chika Minute” report sa video na ito.
Related gallery: The Master Cutter's most irresistible actors