
Nagbigay-inspirasyon ang rising OPM star na si Dionela matapos niyang inanunsyo na ang buong proceeds mula sa kanyang kauna-unahang major concert ay iaalay niya sa mga biktima ng Super Typhoon 'Uwan.'
Ibinahagi ng singer-songwriter ang kanyang desisyon sa pamamagitan ng isang larawan sa kanyang Instagram story, kung saan siya ay may hawak na whiteboard na may nakasulat na message of charity.
Source: dionelaofficial (IG)
Masaya at nagpapasalamat si Dionela dahil marami ang sumusuporta sa kanyang first major concert na 'The Grace Tour' na gaganapin sa November 21 at 22. Labis ang pasasalamat ni Dionela dahil halos sold-out na ang ticket sa dalawang araw na show.
"I am beyond grateful that tickets are almost sold out, with just a few seats," saad ni Dionela.
Ayon pa sa OPM artist, ang desisyon na i-donate ang lahat ng kikitain ng concert ay isang bagay na sinasabi niyang: "God impressed upon my heart."
Pagtatapos ni Dionela, "The concert is called 'The Grace Tour' — and I guess this is what grace is all about." Sa ganitong paraan, ang kanyang major career milestone ay naging isang paraan din para makatulong sa mga kapwa Filipino na nasalanta ng Bagyong 'Uwan.'
Nag-iwan ng malaking pinsala at matitinding pagbaha ang pananalasa ng Super Typhoon 'Uwan' sa ilang bahagi ng bansa.
Ayon sa mga opisyal ng disaster risk reduction, libu-libong pamilya ang naapektuhan, habang maraming imprastraktura, tulay, at agrikultura ang nasira dahil sa lakas ng hangin at tindi ng ulan na dala ng bagyo.