
Sa unang pagkakataon, magkakaroon ng isang proyekto sa ilalim ng GMA Network ang director na si Easy Ferrer.
Siya kasi ang magsisilbing direktor ng unang tatlong specials ng bagong weekly anthology na Regal Studio Presents.
Bago nito, si direk Easy ang nagdirehe ng boys love o BL series na Ben x Jim at ng horror film na The Missing na isang entry sa 2020 Metro Manila Film Festival.
Nagsilbi rin siya bilang assistant director ng mga romance drama at romantic comedy films tulad ng Ang Henerasyong Sumuko sa Love, My Letters to Happy, 100 Tula Para Kay Stella, at marami pang iba.
Ayon kay direk Easy, isang romantic comedy rin ang magbubukas ng weekly Regal Studio Presents.
"For our opening salvo, we will have Ms. Sanya Lopez and Mr. Ken Chan in a romantic comedy concept, a cute concept entitled 'That Thin Line Between.' This is an original concept from direk Joey Reyes and siya rin 'yung nagsulat," paliwanag niya.
Matagal na rin daw niyang gustong makatrabaho ang Kapuso stars na sina Ken at Sanya.
"Ang tagal ko na talagang pinu-push kay Ms. Roselle (Monteverde) whenever I have projects sa Regal na mag-Ken Chan tayo, mag-Sanya Lopez tayo. Hindi lang talaga ako nabibigyan ng chance. Noong sinabi ni Sir Joey (Abacan, GMA First Vice President for Program Management Department) na ito 'yung first time, nanginig ako agad. Sabi ko, ayan na. Kinilig ako. Nasa bucket list ko 'yang mga 'yan," kuwento niya.
Sa "That Thin Line Between," gaganap si Ken bilang Julius, isang accountant. Bagong lipat na kapitbahay naman niya si Gemma Rose, isang online seller na gagampanan ni Sanya.
Madalas magbabangayan ang dalawa dahil maingay ang mga live online selling sessions ni Gemma Rose at naiistorbo niya si Julius na sinusubukang mag-concentrate sa mga numero ng kanyang spreadsheets.
Huwag palamapsin sina Ken at Sanya sa opening salvo ng Regal Studio Presents na "That Thin Line Between" sa special primetime premiere nito sa Septembeer 11, 8:30 p.m. sa GMA.