
Bago ang upcoming GMA Afternoon Prime series na Nakarehas Na Puso, noong 2010 pa huling nakatrabaho ng batikang direktor na si Gil Tejada, Jr. ang beteranang aktres na si Jean Garcia sa TV adaptation ng Ina Kasusuklaman Ba Kita?.
Matapos ang mahigit isang dekada, aminado si Direk Gil na malaki ang pinagbago ni Jean, hindi lamang sa pag-arte kung hindi pati sa disposisyon nito sa buhay.
"Actually, napansin ko sa acting ni Chichic, naging mature siya. I mean, hindi lang sa trabaho but personally, ang laking pagbabago ng akin kapatid, sobra," tapat na sagot ni Direk Gil sa virtual press conference ng Nakarehas Na Puso.
"I never thought na ganun 'yung nakita ko at na-experience ko sa kanya ngayon. Hindi ko naman sinasabing ano, pero mas gusto ko 'yung aura niya ngayon, 'yung outlook niya sa buhay, 'yung pananaw niya sa trabaho.
"Alam naman natin na very professional siya pero more than that, maraming puso ang kanyang nilalabas ngayon na makikita mo na different Jean Garcia from way, way back."
Kilig na kilig naman ang beteranang aktres sa nabanggit na papuri sa kanya ni Direk Gil.
Reaksyon niya, "Kinikilig ako! Actually, thank you po, Direk. Malaki din ang utang na loob ko kay Direk kasi talagang ang dami naming shows together, lalo na before tapos hinawakan niya rin si Jennica at marami din natutunan sa kanya si Jennica."
"That's why I'm very grateful. Kaya nung nalaman ko na si Direk Gil magdi-direct nitong 'Nakarehas Na Puso,' sabi ko, 'Oh my gosh, I'm super safe. I'm in good hands.'
"Sigurado akong macha-challenge ako more, mas mai-encourage ako, plus ang sarap din kasi nitong grupo na ito kasi kumbaga, naka-focus kami sa trabaho pwera doon sa personal namin.
"Nakita ko na 'to pati sa mga artista, pati sa direktor namin, pati sa staff namin, priority talaga 'yung work, 'yung trabaho na magawa namin nang tama, pero sa personal, meron pa rin kasi we care pa rin sa kapwa namin, mga katrabaho."
Kasalukuyang naka-lock-in taping pa sina Direk Gil, Jean, at ibang cast ng Nakarehas Na Puso ngunit aminado si Jean na nagkakahiyaan pa sila ng kanyang mga co-star noong una silang magkita-kita.
"Nung una namin, 'yung first taping day namin, si Michelle [Aldana], magkaeksena kami, makikita mo na medyo parang nangangapa pa kami sa ias't isa, tapos ginawa rin ni Direk na, 'O, relax lang kayo. Ito lang lang ang gagawin niyo' kasi nangangapa pa kami, kailangan namin ng support ni Direk," kuwento ni Jean.
Makalipas ang ilang taon, nagbabalik showbiz ang '90s beauty queen-turned-actress na si Michelle Aldana bilang si Doris, ang magiging karibal ng karakter ni Jean na si Amelia.
Pagpapatuloy niya, "Medyo mabigat na kaagad 'yung eksena doon sa may garahe or garden pero na-pull off namin pero ngayon, mas comfortable na kami sa isa't isa, hindi lang kami ni Michelle kung hindi lahat kaming mga artista."
"I guess, wala, magic rin ni Direk talaga 'yan, e."
Bukod kina Jean at Michelle, mapapanood sa Nakarehas Na Puso sina Leandro Baldemor, Vaness Del Moral, EA Guzman, Claire Castro, Bryce Eusebio, at Ashley Sarmiento.
Sa direksyon ni Gil Tejada, Jr., mapapanood ang Nakarehas Na Puso simula September 26, 4:15 p.m. sa GMA Afternoon Prime pagkatapos ng Return To Paradise.