
Marami ang nagulat at nalungkot sa biglaang pagpanaw ng beteranong direktor at talent manager na si Direk Maryo J. delos Reyes. Base sa ulat ng Unang Hirit, inatake raw siya sa puso habang nasa isang party sa Dipolog noong Sabado (January 27) ng gabi.
Dinala pa siya sa hospital ngunit idineklarang dead on arrival. Labis itong ikinalungkot ng mga artista na nakatrabaho niya at ang mga anak-anakan sa industriya.
“[Siguro] nasa edad na rin si Direk Maryo [at] sobrang pagod na rin siya. Bilang anak niya sa industriyang ito, masakit pa rin po na maiwan ng isang ama. Siya po ‘yung dahilan kung bakit po ako nandito sa industriyang ito. Siya ang nakakakilala po sa akin pero kailangan po natin tanggapin na lang at ipag-pray na lang po si Direk Maryo,” ani Ruru Madrid na itinuturing pangalawang ama ang kanyang manager.
Mamimiss naman ni Barbie Forteza ang mahusay niyang direktor, “Parang nasa nature na ni Direk Maryo ‘yung mag-alaga talaga sa artista. Palagi niya akong pinapayuhan [at] lagi niya akong gina-guide.”
Naputol naman ang samanahan nila ni Mike Tan, “Nakakagulat [at] nakakalungkot ‘yung nangyari kasi itong Hindi Ko Kayang Iwan Ka, siya ‘yung nag-pilot nito eh. Akala ko makakatrabaho ko pa siya ulit, [but] may purpose si God na kunin na si Direk Maryo.”
Panoorin ang mga tumatak na mga obra ng batikang direktor sa report ng Unang Hirit. Maraming salamat at paalamat, Direk Maryo!