
Para kay Filipino international star Dolly De Leon, malaking tulong ang mapasama siya sa Actors Branch ng Academy of Motion Picture Arts and Sciences. Para sa kaniya, ito ang magiging tulay para matupad ang kaniyang pangarap na makatrabaho ang iba't ibang artista na hinahangaan at nirerespeto niya.
Sa isang Instagram post, ibinahagi ni Dolly na parte na siya ng Actors Branch, isa sa tatlong sangay ng Academy. Ang nasabing post ay nagpapakita ng isang larawan na may mga katagang, “Dolly De Leon, Actors Branch, Welcome to the Academy!”
“My dream has always been clear to me - to work with artists I admire and respect. This was never part of the plan,” caption ni Dolly sa kaniyang post.
Dagdag pa niya, hindi niya akalain na mangyayari ito sa kaniya.
“But it's happened and it's a step closer to the goal and gives many others like me HOPE,” sabi nito.
Sa huli ay nag-iwan si Dolly ng maiksing mensahe para sa mga nangangarap, “For those of you who dare to dream, know that nothing is impossible. Now it's your turn. Laban!!!”
Nakilala si Dolly sa kaniyang mahusay na pagganap sa pelikulang Triangle of Sadness. Nakakuha ng tatlong nominasyon ang pelikula mula sa Academy Awards or Oscars nitong taon. Bagama't hindi nakakuha ng nominasyon si Dolly sa Oscars, nominado naman siya bilang best supporting actress sa dalawang award-giving body, ang Golden Globes at ang British Academy of Film and Television Arts (BAFTA).
Bago matapos ang buwan ng June ay inanunsyo ng Academy of Motion Picture Arts and Sciences, ang organisasyong may hawak ng prestihiyosong Oscars, na isa si Dolly sa 398 na indibidwal na naimbitahan para maging miyembro.
Nakasama niya sa bagong batch na ito ang ilang Hollywood stars tulad nina Taylor Swift, Ke Huy Quan, Austin Butler, at iba pang actors, directors, at musicians.
SAMANTALA, BALIKAN ANG PAGSIKAT NI DOLLY DE LEON SA INTERNATIONAL STAGE SA GALLERY NA ITO: