
Isa sa mga kinagigiliwan ngayon sa loob ng Bahay ni Kuya ay ang Kapuso housemate na si Dustin Yu.
Dahil sa kanyang pagiging friendly at gentleman, hinahangaan siya ng netizens at pati na rin ng kanyang co-housemates.
Kaya naman labis ang suporta at pagmamalaki ng kanyang pamilya, lalo na ang kanyang ina na si Mommy Donalyn Yu.
Sa kanyang pagbisita sa Unang Hirit, ibinahagi ni Mommy Donalyn ang kanyang reaksyon sa panonood ng kanyang anak sa programa. Masaya siya sa positive reactions ng viewers, lalo na tinawag ang Kapuso star na "green flag."
"Pinakita niya kasi lahat ng totoo rin at saka 'yung ginagawa niya sa bahay, nagagawa niya rin sa loob," ani Mommy Donalyn.
Bukod sa pagiging mabuting housemate, responsableng anak din daw si Dustin. Sa katunayan, siya mismo ang tumutulong sa pagpapaaral ng kanyang mga kapatid.
Kaya naman noong mabalitaan nilang papasok siya sa Pinoy Big Brother Celebrity Collab Edition, buong suporta ang ibinigay ng kanilang pamilya.
Kuwento niya, "Nagulat kami. Hindi ko akalain na makakapasok or papasok siya. Bigla niya lang sinabing, 'Ma, papasok ako sa PBB, [pero] 'di pa sure.' Sabi ko, 'Okay. Wow! Sana makapasok ka.'"
Maliban sa ipinapakita niyang kabutihan sa loob ng Bahay ni Kuya, pinusuan din ng netizens ang natural chemistry nina Dustin at guest housemate na si Ivana Alawi.
Mula sa simpleng tinginan hanggang sa candid interactions, marami ang kinikilig sa kanilang dalawa. Lalo pang lumakas ang hiyawan ng housemates at viewers nang pinili ni Ivana na "jojowain" si Dustin sa kanilang laro.
At ano ang reaksyon ng kanyang ina? Approve siya kay Ivana para sa kanyang anak!
"Sobrang saya. Bihira [ma-please] si Ivana," masayang sinabi ni Mommy Donalyn. "Balita ko, magba-vlog daw sila paglabas, e ."
Nagbigay rin ng mensahe si Mommy Donalyn kay Dustin.
Aniya, "Maging mabait siya, magpakatotoo siya, at stay humble pa rin. Huwag siya makalimot sa taas (sa Diyos). Kundi dahil sa Kanya, hindi niya mararating ang achievements niya."
Mapapanood si Dustin at iba pang housemates sa Pinoy Big Brother Celebrity Collab Edition, tuwing weekdays 10:00 p.m. at weekends, 6:15 p.m., sa GMA, Kapuso Stream, GMANetwork.com, GMA Pinoy TV, Kapamilya Online Live, iWanTFC, at TFC.
Maaari ring silipin ang mga nangyayari ngayon sa loob ng Bahay ni Kuya sa All-Access Livestream ng programa sa GMANetwork.com Full Episodes.
Samantala, kilalanin si Dustin Yu sa gallery na ito: