
Hindi naiwasang matanong ang Descendants of the Sun (The Philippine Adaptation) lead actors na sina Dingdong Dantes at Jennylyn Mercado kung pressured silang pantayan o higitan ang original version ng Korean series.
Mataas kasi ang inaasahan ng mga manonood sa local adaptation ng Descendants of the Sun dahil global hit itong maitururing.
Sa katunayan, nauna na itong i-remake sa mga bansang Vietnam at Taiwan.
Sinagot ni Dingdong, na gaganap sa papel ni Cpt. Lucas Manalo, ang mainit na tanong ng entertainment reporters at bloggers sa ginanap ng media conference kagabi, January 30.
Wika niya, "Ako, bilang fan ng original, hindi naman namin hangad itong tapatan, lalung-lalo na higitan.
“Para sa 'min privilege na i-celebrate itong remake sa pananaw nating mga Pilipno.
“So, what we have is just to do the best to retell the story. That's what we're doing.”
Dagdag pa ng Kapuso Primetime King, "Sa role ko, mahalaga na kinuha lang namin 'yung highlights ng pagiging si Lucas, 'yung character n'ya.
"And then, tinu-weak lang namin nang konti para maging Pinoy 'yung flavor.
"'Yung mga characteristics na mga tumatak sa [original characters], nando'n pa rin."
Sa pahayag naman ni Jennylyn, inamin niyang may kaba siya sa pagganap sa karakter ni Dr. Maxine, na orihinal na ginampanan ng Korean superstar na si Sng Hye Kyo.
Gayunpaman, okay na raw sa kanya na makita ang reaksyon ng guests ng mediacon, na nagkaroon ng pagkakataong mapanood ang pilot episode ng Descendants of the Sun (The Philippine Adaptation).
Siyempre may konting kaba," pag-amin ni Jennylyn.
"Pero masarap na 'yung pakiramdam namin na nakita namin kanina na kinilig kayo, natawa kayo, kinabahan kayo. Ok na 'yun sa 'min."
Paglilinaw pa ni Dingdong, hinaluan ng Pinoy flavor ang GMA action-drama series para maging relatable ang mga eksena.
"'Yung pinakanadagdag sa istorya ay 'yung tungkol sa pamilya.
"Siyempre, 'yung setting kung saan naganap 'yung original medyo international 'yung naging conflict, naging North and South.
“Dito, very local ang mga conflicts natin."
Mapapapanood na ang Descendants of the Sun (The Philippine Adaptation) simula February 10 sa GMA Telebabad.