
Sa halip na masayang alaala, nauwi umano sa sakit at pagkadismaya ang matagal nang pinapangarap na Switzerland trip ng apat na Pinay OFWs matapos silang makaranas ng umano'y pang-iinsulto mula sa kapwa Pilipino.
Sa isang viral social media post, ibinahagi ni Reamae Bagotsay ang umano'y hindi magandang karanasan nila habang bumibisita sa isang kilalang pier sa Switzerland, isa sa mga pinakasikat na destinasyon sa bansa.
Ayon kay Reamae, maayos silang nakapila at naghihintay ng kanilang pagkakataon upang magpa-picture nang pagsabihan umano sila ng isang grupo ng mga Pilipino.
"Naghintay kami nang maayos at may pasensya. We even cheered on the couples and tourists ahead of us, offering to take photos for them kasi masaya rin kaming nakikitang nag-eenjoy ang ibang tao. But the moment it was our turn, everything went downhill."
Nakarining na umano sila Reamae na hindi magandang mga komento mula sa mga kapwa Pilipino.
"A group of older Filipinos—mga tao na dapat mas nakakaintindi at mas adult ang pag-iisip—started making a huge fuss. Bigla na lang silang namamaktol at nagsisigaw: "TAMA NA YAN! One second lang dapat every picture!
"Pinamamadali nila kami, pinapahiya, at pinariringgan nang sobra-sobra. Kahit bago pa kami dun, at magstart pa lang sana sa turn namin," kuwento ni Reamae sa kanyang post.
Mas lalong sumama umano ang loob nila Reamae nang may muntik nang madapa sa kanila dahil sa matinding hiya, inis, at nerbiyos dahil sa mga nangyayari. Aniya, sa halip na mag-alala, pinagtawanan pa umano sila ng naturang grupo.
Ikinuwento rin niya na may narinig pa siyang komentong, "Ayyy, sayang hindi nalaglag!" bagay na lalo umanong nakadagdag sa kanilang sama ng loob.
Dahil dito, aminado si Reamae na hindi na niya napigilang sumagot sa gitna ng emosyon. Gayunman, inamin niyang mali ang pagmumurang lumabas sa kanyang bibig. Aniya, sukdulan na ang kanilang pasensya, lalo na nang makita niyang umiiyak na sa takot at pagkabigla ang kanyang mga kasama.
Sa kanyang post, inilarawan ni Reamae ang insidente bilang isa sa pinakamabigat na karanasang naranasan nila sa kanilang pinakahihintay na biyahe.
"Switzerland was a dream we carried in our hearts for so long.. Instead, it became one of the most humiliating, heartbreaking, and disgusting experiences of our lives," saad niya.
Ibinahagi rin niya na isa umano sa mga OFW na kabilang sa naturang grupo ang nagpadala ng mensahe upang humingi ng paumanhin matapos ang insidente.
Sa kabila nito, sinabi ni Reamae na nananatili pa rin ang bigat ng kanilang karanasan sa lugar na matagal nilang pinangarap marating. Para sa kanila, ang dapat sana'y masayang paglalakbay ay nauwi sa isang alaalang mahirap kalimutan.
Source: Reamae Bagotsay FB
RELATED: Pinoy celebrities who visited Lake Brienz in Switzerland