
Ibinahagi ng Department of Tourism, Culture and Arts of Manila (DTCAM), Intramuros Administration, at Manila City Personnel Office (MCPO) ang kanilang naging pakikipagtulungan sa pagbuo ng fantasy-romance series ng GMA Public Affairs na The Lost Recipe.
Sa Facebook page ng DTCAM makikita ang ilang larawan nina Kelvin Miranda, Mikee Quintos, at Paul Salas. Si Kelvin ay mapapanood bilang si Harvey Napoleon, si Mikee ay gaganap naman bilang si Apple Valencia at si Paul ang bubuhay sa karakter ni Frank Vergara.
Photo source: Facebook: Department of Tourism, Culture and Arts of Manila
"The Lost Recipe sa GMA News TV, matitikman mo na! Ang programang ito ay pinagbibidahan ni Bb. Mikee Quintos, G. Kelvin Miranda at G. Paul Salas."
Inilahad ng DTCAM ang mga makasaysayang mga lugar na mapapanood sa programa.
"Itatampok ang iba't ibang lugar sa Lungsod ng Maynila partikular ang Kartilya ng Katipunan, ang makasaysayang Jones Bridge, Intramuros, Gota de Leche at iba pa. Itong proyektong ito ay binuo sa pakikipagtulungan ng mga ahensya mula sa aming tanggapan, Department of Tourism, Culture and Arts of Manila, gayundin sa Intramuros Administration."
Ang officer-in-charge ng DTCAM na si Charlie Dungo ay ikinuwento kung bakit pumayag sila na makipagtulungan sa The Lost Recipe.
"Maganda ang hangarin ng programa para sa amin kaya kami nakipag kolaborasyon. Nagpapasalamat kami sa GMA News TV sa pagpili sa Lungsod ng Maynila bilang sentro ng lokasyon ng kanilang programa. Malaki ang maitutulong nito sa amin bilang Departmento na nangangalaga sa turismo at kasaysayan ng Lungsod."
Dugtong pa niya, sa pagtutulungan ng DTCAM sa The Lost Recipe ay maipapasyal ang mga tao sa Maynila kahit na nasa bahay lamang ngayong quarantine period.
"Itatampok po natin ang mga lugar tulad ng Kartilya ng Katipunan, Lagusnilad, ang makasaysayang Gota de Leche sa Sampaloc Maynila, ang Intramuros, Maynila...Itatampok din natin ang Luneta at iba pa."
Ang officer-in-charge ng Manila City Personnel Office na si Jocelyn Quintos ay ibinahagi naman kung bakit makahulugan ang pakikipagtulungan nila sa programa.
"Two things. First, I am in favor of our Mayor's (Mayor Isko Moreno) goal in bringing back Manila's earlier glory days, in enhancing its beauty and all things related to it. It is quite nice to see the developments we already have in the country's capital city."
Suportado rin ng Intramuros Administration ang The Lost Recipe at mapapanood ang ilang eksena ng programa mula sa makasysayang walled city.
Ang program manager ng The Lost Recipe na si John Mychal Feraren ay nagpahayag ng kanyang pasasalamat sa mga nakatulong nila sa proyektong ito. Sinisiguro umano nila na ang pagbuo ng seryeng ito ay nakasunod pa rin sa safety protocols laban sa COVID-19.
"We are very fortunate that DTCAM, Intramuros Administration, and MCPO agreed to assist us in our shoots. We worked hand in hand to ensure that we can maximize the shoot locations, while strictly following all safety and health protocols."
Abangan ang nalalapit na simula ng The Lost Recipe sa GMA News TV.
Tingnan ang mga naganap sa lock-in taping ng The Lost Recipe sa gallery na ito: