
Sasalang sa mas matinding kompetisyon sa Battle Round ng The Voice Generations ang duo na Music & Me na sina Fedrianne Quilantang Villanueva at J-Ann Talisic mula sa Bohol.
Sila ang isa sa mga natirang grupo ng talents mula sa Julesquad ng coach na si Julie Anne San Jose sa Sing-Off Round.
Nagpapasalamat naman ang duo na Music & Me na si Fedrianne at J-Ann sa isa't isa dahil magkasama nilang napagtatagumpayan ang bawat hamon ng kompetisyon sa The Voice Generations.
Noong 2016 umano nagkilala sina Fedrianne at J-Ann dahil sa kanilang common friend at mula noon ay magkasama na silang kumakanta sa iba't ibang okasyon gaya ng wedding, birthday, at maging sa mga burol.
Ayon kay Fedrianne, answered prayer umano ang naging pagdating ng kaniyang Ate J-Ann sa kaniyang buhay dahil natulungan siya nito sa maraming paraan.
Kuwento niya, “No'ng time na nag-stop si papa mag-work dahil rin sa kaniyang health condition. Ako po 'yung panganay sa aming dalawang magkapatid. So, parang nabigla po ako like, 'Hala anong gagawin ko?'
“Sobrang thankful ako kay Lord na dumating si Ate J-Ann kasi parang 'yung time na 'yun sinadya talaga ni God na makilala ko si Ate J-Anne at para makapag-provide din ako sa family.”
“Sobrang pasasalamat ko talaga kay Ate J-Anne na nagkakilala kami,” dagdag pa niya.
Kuwento naman ni J-Ann, matagal na rin siyang kumakanta noon pero mas nakilala siya sa kanilang lugar dahil sa nag-viral niyang video habang umaawit sa isang appliances section sa isang mall kung saan sinubukan niya lamang ibinebenta ritong videoke.
Aniya, “Hindi ko po in-expect na mag-viral siya, marami sigurong nagkagusto sa pagkanta ko ng 'She's Gone' so I'm thankful.”
Pagbabahagi naman ni Fedrianne, bata pa lamang siya nang magsimula siyang umawit. Sa katunayan, naging kinatawan na rin siya ng bansa para sa ilang mga concert ng World Vision sa Singapore.
“I'm a sponsored child din po kasi ng World Vision po since grade 1. Naghahanap sila that time ng talent from Philippines, bale nag-send lang kami ng video, ipinasa po roon sa World Vision Singapore.
“Luckily po ako po ang napili na mag-represent ng Philippines to perform po in a series of concert. Tapos pinabalik din po nila ako noong 2016 po,” ani Fedrianne sa isang interview.
Samantala, matatandaan na napaikot ng Music & Me ang apat na The Voice Generations coaches na sina Julie Anne, Billy Crawford, Stell, at Chito Miranda sa kanilang heartfelt Blind Auditions performance ng awiting “Makita Kang Muli.”
Dito ay pinili nila ang mapabilang sa team ni Coach Julie na Julesquad.
Pagdating sa Sing-Off Round, muling pinahanga ng Music & Me ang apat na coaches at maging ang mga manonood sa kanilang kakaibang rendition ng kantang “It's All Coming Back To Me.”
Proud naman si Coach Julie sa ipinapakitang performances ng Music & Me. Aniya, “Sobrang proud ako kasi bukod sa magaling silang soloists, 'pag pinagsama mo sila lalong mas maganda 'yung kakalabasan, mas maganda 'yung outcome ng production number nila. I also felt the connection. I also felt na it's written in the stars na they really deserve to be here.”
Ang The Voice Generations ay ang newest spin-off ng biggest singing competition sa mundo na The Voice mula sa ITV Studios.
Napapanood ito for the first time hindi lamang sa Pilipinas kung 'di pati na rin sa buong Asya via GMA Network.
Tutukan ang The Voice Generations tuwing Linggo, 7:35 p.m. pagkatapos ng BBLGANG.