
Nagkomento na ang Kapuso actor na si Dustin Yu sa usap-usapang nagbakasyon siya kasama ang Kapamilya actress at Pinoy Big Brother Celebrity Collab Edition housemate na si Bianca de Vera sa Thailand.
“May bali-balita na kayo raw ni Bianca ay nag-honeymoon sa Thailand,” biro ni Boy Abunda kay Dustin nitong Lunes, February 23, sa Fast Talk with Boy Abunda.
Tumanggi naman si Dustin at sinabing, “Hindi po, Tito Boy. Baby pa po kami.”
“Biro lamang po iyon,” paglilinaw ng King of Talk. “But you did go to Thailand. We saw the posts…”
“Parang wala naman (posts),” sagot ni Dustin. “Marami kasi akong kamukha na maraming nagsasabi na ako raw 'yun, pero sa totoo lang, kamukha ko lang 'yun.”
Ayon pa kay Dustin, dalawang taon na ang nakalipas nang huli siyang pumunta sa Thailand at hindi niya rin noon kasama si Bianca.
Kasamang humarap ni Dustin sa afternoon talk show ang kaniyang housemates at co-stars sa The Secrets of Hotel 88 na sina Ralph de Leon at River Joseph.
Hindi na nagbigay ng konkretong sagot sina Ralph at River tungkol sa isyu. Ngunit mayroong komento si River matapos ding magkuwento ni Ralph tungkol sa kaniyang Siargao trip kasama si AZ Martinez at iba pa nitong mga kaibigan.
“Ano ba ang assessment mo?” tanong ni Tito Boy kay River. “Ito ba'y mga nagsasabi ng totoo?”
“Hindi po totoo lahat,” maikling sagot ni River.
Mapapanood sina Dustin, Ralph, at River sa upcoming series na The Secrets of Hotel 88 mula March 2, 9:35 p.m., sa GMA Prime.
RELATED GALLERY: BIANCA DE VERA, THE OTHER HALF OF THE DUSTBIA POWER LOVE TEAM