
Grateful ang Kapuso actor at dating Pinoy Big Brother Celebrity Collab Edition housemate na si Dustin Yu na mapasama sa upcoming romantic comedy film offering ng Regal Entertainment na Almost Us. Pagbibidahan din ito ng dating Kapamilya Housemates na sina JM Ibarra at Fyang Smith.
Sa live Facebook video ng mediacon ng pelikula ngayong Linggo, April 12, nagbigay ng reaksyon si Dustin sa sinabi ng Regal Entertainment na siya ang first choice para sa role ni Kenzo. Pero pag-amin ng Kapuso actor, nagkaroon siya ng alinlangan sa pagtanggap ng role.
Matatandaan na naka-lock-in taping si Dustin, kasama ang iba pang former housemates, para sa collaborative series na The Secrets of Hotel 88. Dahil dito, aminado ang Kapuso actor na mahihirapan siya sa schedule kung tatanggapin niya ang role.
“Actually, nasabi nga sa akin 'yun ni Miss Roselle and during that time kasi, nasa taping pa ako so iniisip ko kung paano. Pero nu'ng nalaman ko na talagang kino-consider ako, sabi ko, 'Paano?' Kasi nasa Puerto Galera ako, 'Paano, uuwi ba ako?'” sabi ni Dustin.
Pero ayon sa aktor, na-excite talaga siya nang malaman kung sino ang kaniyang co-stars, lalo na at nakasama na niya sina JM at Fyang sa Metro Manila Film Fest (MMFF) entry na Shake, Rattle, and Role: Evil Origins.
“Nagkukulitan kami doon, naka-build kami ng, kahit papaano, small connection, samahan. Tapos parang kinonsider ko lang, totoong tao sila, so para sa akin, hindi ako mahihirapan makipagtrabaho kasi factor din 'yun, e,” sabi ni Dustin.
Naging malaking factor din ang direktor nilang si Direk Dan, kaya kalaunan, tinanggap din niya ang role.
May nakapansin naman na tila third wheel muli ang role ni Dustin sa pelikulang ito, gaya ng huling role na ginampanan niya sa MMFF entry na Love You So Bad kasama sina Will Ashley at Bianca de Vera.
Ngunit para sa aktor, naiiba naman ang role niya sa Almost Us, "Dito kasi, fiction ako, I mean, character talaga ako dito. Clear naman from the start na hindi ako part ng relationship or what. Mapapanood n'yo 'yun for sure."
"Du'n naman sa natapos kong pelikula, I don't think honestly na third wheel ako kasi tatlo lang naman kami. It's a love story between three people so I think hindi naman po ata [ako] mababansagan na pambansang third wheel," pagpapatuloy ng aktor
Mapapanood na sa mga sinehan ang Almost Us ngayong May 6.
SAMANTALA, BALIKAN ANG NAGING TAKBO NG KARERA NI DUSTIN YU SA GALLERY NA ITO: