
Noong Huwebes, December 18, ginanap ang red carpet premiere night ng isa sa mga pelikulang tampok sa 51st Metro Manila Film Festival, ang Shake, Rattle, and Roll: Evil Origins.
Naging star-studded ang event na dinaluhan ng mga bidang artista sa pelikula at maging mga kilalang personalidad na nagbigay ng suporta sa mga cast nito.
Isa si Kapuso actor at PBB Celebrity Collab ex-housemate na si Dustin Yu sa mga dumalo at lumakad sa red carpet ng naturang pelikula. Bida siya sa isa sa mga segment ng pelikula, specifically ang “future” segment nito na naka-set sa taong 2050.
Gaganap siya bilang si “Riel” kasama ang mga artistang sina Richard Gutierrez at Ivana Alawi.
Sa isang esklusibong panayam sa GMANetwork.com, ipinahayag ni Dustin na umaapaw ang pasasalamat niya sa lahat ng blessings na natanggap matapos ang matagumpay na stint sa Pinoy Big Brother.
Ibinahagi niya na siya ay “blessed” dahil sa sunod-sunod na mga proyekto matapos ang pagpasok niya sa Bahay ni Kuya.
“Well, I just feel blessed. You know, sobrang tini-treat ko siya as a blessing talaga kasi, for me, after PBB, ito na rin talaga 'yung goal ko; magkaroon ng trabaho, magkaroon ng pelikula,” sabi ni Dustin.
Happy rin si Dustin sa opportunity na magkaroon ng dalawang entries sa Metro Manila Film Festival ngayong 2025.
“Sobrang tuwang-tuwa ako kasi binigyan ako ng chance or opportunity na gumanap o gumawa ng dalawang pelikula, pero ano pa ito, sabay pa. Malaking-malaking bagay ito sa'kin,” pahayag niya.
Gaganap si Dustin sa dalawang pelikula na may magkaibang tema at kuwento pero parehas na may ipinaglalaban ang kanyang mga karakter.
Game na game naman niyang sinagot ang isang tanong kung anong pipiliin niya sa pagitan ng “fighting for love” at “fighting against aswangs.”
“Siguro, fight for love! Kasi 'yung aswang kaya ko naman 'yan, 'yung love syempre mahirap ipaglaban 'yung pagmamahal,” pabirong sagot ni Dustin.
Sumagot din siya kung may pagkakaparehas ba ang role niya sa Shake, Rattle, and Roll: Evil Origins at sa pakikipaglaban niya sa mga “real-life aswangs” sa social media matapos niya noong magsalita tungkol sa bashing at made-up controversies online: “Hindi naman. Hindi naman same. Ako kasi 'di rin naman ako pumapatol sa mga bashers.”
Bibida si Dustin sa dalawang pelikula na kabilang sa 51st Metro Manila Film Festival. Bukod sa pagganap niya sa Shake, Rattle, and Roll: Evil Origins, gaganap din siya bilang si “LA” sa Love You So Bad kasama naman sina Kapamilya actress Bianca De Vera at kapwa Kapusong si Will Ashley.
Related Gallery: Dustin Yu's Thriving Career After PBB, The Rise of DustBia