
Nanatili raw malapit si Dustin Yu kay Bianca de Vera, na ka-final duo niya sa Pinoy Big Brother Celebrity Collab Edition.
Matatandaan na habang nasa loob ng Bahay ni Kuya, naging close ang dalawang aktor, na naging simula rin ng love team nila na tinawag ng fans na DusBia.
“Sa Bahay ni Kuya, kung sino kami doon, hanggang ngayon ganun pa rin naman kami, wala namang nagbago,” sabi ni Dustin sa isang press conference, kung saan inanunsiyo ang kanyang upcoming fan meet concert na Destiny: The Dustin Yu Experience, na ginanap noong Biyernes, October 24.
Ani pa ng binatang Sparkle artist, “I'm very lucky, honestly, na wala namang nagbago. Kasi, di ba, maraming nagsasabi na paglabas mag-iiba na yung dynamics, mag-iiba na yung pakikisama kung paano kayo. Kami, hindi, mas happy kami now, mas mature, mas lumawak yung mundo namin. Sa Bahay ni Kuya parang may sarili kaming mundo, e.”
Ngayon daw, ayon kay Dustin, “Super close [kami], lalo na may trabaho din naman kami. Hindi na lang naman kami as Dustin and Bianca, may mga projects din kaming trinatrabaho.”
Ang tinutukoy ni Dustin na mga proyekto ay ang mga pelikulang Shake Rattle and Roll: Evil Origins at Love You So Bad, na parehong magiging bahagi ng 2025 Metro Manila Film Festival (MMFF).
Sa kabila ng pagiging magka-love team nil ani Bianca, hindi naman daw sila nagpapa-pressure sa kagustuhan ng ilang fans na magkatuluyan na sila bilang magkasintahan.
“Hindi naman kami nagpapadala ni Bianca sa pressure ng mga fans,” sabi ni Dustin.
“Lagi ko lang nire-remind na i-enjoy lang nila. Minsan lang kaming magka-work, e. Magkaiba kami ng network, right? So, habang may chance pa, sana maging happy na lang yung mga tao na magkasama kami.”
Samantala, lubos naman ang pasasalamat ni Dustin sa sunud-sunod na mga proyektong natatanggap niya simula nang lumabas sila sa Bahay ni Kuya.
“Super grateful talaga, as in wow, never naman nangyari ito sa career ko before,” sabi niya.
“Ang daming pumapasok na blessings, sobrang grateful ko lang. At the same time, lagi kong nire-remind ang sarili ko na maging grounded kasi mararamdaman natin lahat 'yan, e, yung excitement, lahat. Pero ako, hindi ko nakakalimutan kung saan ako nanggaling.”
Dahil daw sa blessings na dumating sa buhay niya, sabi ni Dustin, “Ito na rin yung opportunity na ibigay ko yung best ko. Ito na rin yung opportunity na ipakita sa mga tao kung gaano ko kagusto itong industriya na 'to, at sana magtuluy-tuloy.”
Panoorin si Dustin Yu sa kanyang fan meet concert na Destiny: The Dustin Yu Experience, na gaganapin sa December 4, sa New Frontier Theater, Quezon City.