
Aminado ang aktor na si EA Guzman na hindi madali ang relasyon nila ng aktres na si Shaira Diaz, lalo na't 11 taon silang nagkaroon ng sexual abstinence.
Sa press conference ng Lilet Matias, Attorney-At-Law, ikinuwento ni EA na iniyakan niya si Shaira sa unang dalawang taon ng kanilang relasyon.
"First two years namin, umiiyak ako kay Shiara, kasi lalaki ako, e, 'di ba? Hindi sa gusto kong mabait. No, totoo po. 'Pag nararamdaman ko siya, iniisip ko na sinabi sa akin ni Shaira na, 'Kung mahal mo talaga ako, hihintayin mo ko,'" pag-amin ni EA.
"Doon ako tinamaan at 'yun 'yung pinaghahawakan ko. And, 'yun, nasanay na po ako, e. Kumbaga 'pag magkasama kami, nasanay na ako na hanggang dito na lang kami, pero ramdam ko 'yung love namin sa isa't isa.
"Kahit walang ganun, mararamdaman mo po kung mahal mo 'yung isang tao, mararamdaman mo 'yung love niyo sa isa't isa."
Dagdag ni EA, kay Shaira nanggaling na magkaroon sila ng sexual abstinence.
"Kay Shaira po talaga, gusto niya talaga after marriage, 'yun talaga 'yung gusto niya. Sa parents niya rin, 'yun 'yung pinangako niya sa parents niya. Magkaka-boyfriend man siya, papayagan siya mag-boyfriend pero after marriage, 'yun talaga 'yung gusto niya," saad ni EA.
"Every time nagta-travel kami, kailangan i-secure ko 'yung parents niya na wala talagang mangyayari. Oo, magkatabi kami matulog pero as in wala po. Kahit itanong niyo kay Shaira, 'yun 'yung lagi kong sinasabi sa parents niya, kahit itanong niyo po kay Shaira, hindi po ako nag-attempt, hindi ko po siya pinipilit, wala po talaga. Pure love po talaga."
Sa loob ng 11 na taon, aminado si EA na hindi naging perpekto ang kanilang relasyon at minsan ay nag-aaway rin sila.
"Sa amin naman ni Shaira, hindi kami agad 'yung break. For me, walang perpektong relasyon, may mga dumadaan sa ganyang pagkakataon, pero ako po kasi, to be honest, hindi, e, alam naman ni Shaira 'yun na hindi talaga," pagtatapos ni EA.
Mapapanood si EA sa Lilet Matias, Attorney-At-Law, simula March 4, 3:20 p.m. sa GMA Afternoon Prime.