
Matapos ang 12 taon, ikinasal na rin sa wakas ang Kapuso couple na sina Shaira Diaz at EA Guzman noong August 14. At natapos ang ilang araw nila bilang mag-asawa, nagbahagi ang Kapuso actor ng kanilang karanasan sa kanilang unang gabi.
Naging viral kamakailan ang sinabi ni Shaira sa kaniyang wedding vows, kung saan pinangakuan niya si EA na magiging masaya na ito sa gabi pagkatapos ng kasal nila.
Sa “UH Kitchen” segment sa Unang Hirit ngayon Lunes, August 18, tinanong sila ni Igan Arnold Clavio tungkol dito.
“EA, 'yung pangako ba niya sa dambana na ikinasal kayo na magiging masaya ka na, kamusta ka naman?” tanong ng batikang host.
Sagot ni EA, “Ako, magiging honest ako ah, pero grabe ang ngiti ko talaga. Pero 'yung first night, tinulugan ako.”
Natatawang sabi naman ni Shaira, “It's a scam!”
Ngunit ayon sa Kapuso actor, naintindihan naman niya ang asawa lalo na at maaga itong gumising noong araw na iyon para mag-live video ng kaniyang preparation para sa kasal.
TINGNAN ANG KOREAN-INSPIRED WEDDING NINA SHAIRA AT EA SA GALLERY NA ITO:
Ngunit may inamin si Igan tungkol sa pagtulog ni Shaira pagkatapos ng kanilang kasal. Biro nito, “Pero aminin namin sa'yo, habang nag-uusap kami bago kayo ikasal, 'yun talaga plano niya. Sabi niya, 'Ano gagawin ko?' May nagpayo, hindi ko na sasabihin kung sino, 'Tulugan mo!'”
Ngunit depensa naman ni Shaira, hindi na niya nararamdaman ang katawan niya pagkatapos ng kanilang kasal dahil sa sobrang pagod kaya nakatulog din agad siya.
Aminado naman ang Kapuso couple na nag-sink in ang pagbabago sa kanilang mga buhay noong mismong gabi ng kanilang kasal.
“Pagkauwi namin ng bahay, 'yun na. Iba na, parang ramdam namin sa isa't isa na iba na,” sabi ni EA.
Saad naman ni Shaira, naging mas clingy umano siya kay EA pagkatapos ng kanilang kasal.
Sa pagpapatuloy ng kanilang usapan sa Unang Hirit, tinanong din ni Igan kung ano na ba ang plano nina Shaira at EA pagdating sa pagkakaroon ng anak.
Saad ni EA, “Para sa amin ni Shai, nagkasundo naman na kami, enjoy-in muna namin 'yung mundo namin bilang husband and wife, siguro for a year, and then kung ibigay ni Lord sa amin, blessing, why not, tatanggapin namin.”
Panoorin ang panayam kina Shaira at EA dito: