
Nilinaw ni “The Magician” Efren “Bata” Reyes na hindi siya inaresto sa nilahukan niyang exhibition game sa San Pedro, Laguna nitong Huwebes, March 11.
Ayon sa report ni Chino Trinidad sa 24 Oras, pinagdadampot ng mga pulis ang mga lumabag umano sa health protocols sa naturang event ngunit hindi kabilang doon ang Filipino billiard icon.
Ayon kay Reyes, isa sa mga naging isyu ay ang kawalan ng permit ng exhibition game. Ang depensa niya, akala raw niya ay may permit ang paglalaro roon.
“Sabi nila, 'May permit ba 'tong bilyaran n'yo?' Wala. Kinuha 'yung mga gamit.
“'Wala pa lang permit ha. Hindi pwede 'yang ganyan. Dadalhin na namin 'tong mga gamit dadalhin na namin sa barangay,' lahad ni Reyes.
Dagdag pa niya, inimbitahan lamang umano siya sa barangay.
“Kinausap kami ngayon na kung pwede sumama muna kami sa barangay para bigyan ng suporta itong mga kasamahan mong mga kabataan na ina-idol ka para pangaralan lang sa barangay at bibigyan sila ng warning. Pero hindi sinabi dun sa mga tao kundi sa 'min,” aniya.
Bukod dito, sinita rin umano ng pulisya ang paglabag sa social distancing ng mga taong dumalo sa event para panoorin si Reyes.
Ayon sa Barangay San Vicente, wala raw nilabag si Reyes at sadyang hindi lang daw napaghandaan ng may-ari ng bilyaran at organizer ang biglaang pagdami ng tao sa event.
“Ang sinabi niya sa akin, hindi 'yung game ang inaano namin dito kundi distancing ng mga tao. Asikasuhin lang natin 'to kasi itong player natin, 'yung nagdadala ng karangalan dito sa ating bansa, ay naglalaro dito baka mahawa sa inyo,” lahad pa ni 66-anyos na world champion.
Samantala, nitong Martes, ay humingi ng dispensa si Reyes sa Games and Amusement Board (GAB) dahil sa naturang isyu.
"I am deeply sorry for what happened. I don't have control over the situation and the people around the vicinity," ani Reyes kay GAB chairperson Abraham Mitra.
"I, myself, was well aware of the safety protocols so that I will not acquire this virus and I am hoping and praying for everyone's safety."
Efren Bata Reyes letter to GAB pic.twitter.com/554p6rRWJW
-- Abraham (@bahammitra) March 16, 2021
Panoorin ang buong ulat ng 24 Oras: