
Inalala ng actor-politician na si Ejay Falcon ang panahon na napagdesisyunan niyang tumigil siya sa pag-aaral.
Matatandaan na si Ejay ang grand winner ng Pinoy Big Brother Teen Edition Plus taong 2008.
Pagbabalik-tanaw niya sa post niya sa Facebook, “Noong ako ay huminto sa pag-aaral para magtrabaho, hininto ko na rin ang pangarap na magsuot ng toga, umakyat ng entablado, at kunin ang aking diploma sa kolehiyo.
“Tinanggap ko na lang na may iba ng plano para sa akin ang Panginoon.”
Pagpapatuloy niya, “Ngunit simula ng ako ay maglingkod sa bayan, muling napukaw ang pangarap na ito at ang hangarin na pagbutihin ang sarili hindi lang para sa akin kung hindi para na rin sa mga kapwa ko Mindoreno na nagtiwala sa akin. Utang ko sa kanila ito at ang magsilbing mabuting ehemplo lalo na sa mga kabataan sa aming probinsya na tulad ko ay nangangarap.
“Kaya handog ko ang diplomang ito sa inyo at sa lahat ng taong nagmamahal at bukal na naniniwala sa akin, mga Kababayan, KAYO PO ANG INSPIRASYON KO🙏.
“Salamat sa aking asawa na si Jana, at sa aking pamilya sa suporta."
Kasalukuyang tumatayong Vice Governor ng probinsya ng Oriental Mindoro si Ejay at napanood din siya sa Walang Matigas na Pulis sa Matinik na Misis season two.
Nakapagtapos si Vice Governor Falcon ng kursong Bachelor of Arts in Political Science Major in Local Government Administration sa University of Makati.
RELATED CONTENT: CELEBRITY GRADUATES IN 2024