
Sikat na sikat ngayon ang pinakabagong reggae sensation ng bansa na si Elias J TV dahil sa kaniyang galing sa pagkanta at sa kaniyang kakaibang pagsasayaw. Ngunit ang kaniyang dance steps, tila hindi nagustuhan ng mga manonood. Kaya sa Fast Talk with Boy Abunda nitong Biyernes, ibinahagi niya kung saan nga ba nakuha ang kontrobersyal na sayaw.
“Ang nag-influence sa akin si Blakdyak, e. Tumingin lang ako sa YouTube, tapos nakita ko 'yung sayaw. Tinugtog ni Blakdyak 'yung 'Modelong Charing,' sabi ko naman, 'Grabe naman, napakalalaking tao, pero ang galing kumendeng. Kaya ginaya ko 'yun,'” pagbabahagi ni Elias.
Binalikan din ni King of Talk Boy Abunda ang pagiging kontrobersyal ng sayaw ni Elias at kung papaano siya tinagurian ng mga tao bilang bad influence dahil dito. Ngunit ayon sa singer at dancer, hindi niya ito alintana dahil alam niyang wala naman siyang ginagawang mali.
“Ang masasabi ko lang, kasi marami rin nagtatanong sa 'kin, 'Sabi nila ang laswa mo raw tingnan sa stage.' Sabi ko naman, 'Wala naman akong masamang ginagawa du'n kasi wala naman akong babaeng hinuhubaran. Atsaka nagsasayaw lang naman ako,” sabi ni Elias.
Naipaliwanag na rin naman niya umano kung saan niya nakuha ang inirereklamong dance steps niya; na galing ito sa proseso nila ng rubber tree tapping. Dinagdagan lamang niya ito bilang katuwaan na pumatok naman sa masa.
“Kasi masa 'yung mga tagahanga ko, e. 'Yun 'yung ginagawa ko parang gusto nila siguro ito. Marami namang natutuwa, tinuloy ko na lang,” sabi ni Elias.
KILALANIN ANG CELEBRITIES NA NAGSIMULA ANG KARERA BILANG DANCERS SA GALLERY NA ITO: